Sunday, June 22, 2008

SUSI NG PABAHAY IPINAMAHAGI

Sinimulan na ng Local Inter-Agency Committee ang pamamahagi ng mga susi sa mga housing units para sa mga benepisyaryo ng pabahay kaugnay ng South Rail Project.

Ang Local Inter-Agency Committee (LIAC) ay itinayo upang pangasiwaan ang paglipat ng mga taga-riles sa Southville 4, ang housing project na nakalaan sa mga pamilyang apektado ng pagpapalawak ng mga daang bakal sa ilalim ng South Rail Project ng pambansang pamahalaan.

Ang LIAC ay binubuo ng mga opisina ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Santa Rosa, at mga pambansang ahensya tulad ng National Housing Authority (NHA), Philippine National Railways (PNR), Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), Philippine Commission for the Urban Poor (PCUP), at Commission on Human Rights (CHR). Sinisiguro ng Committee na mahusay ang pasibilidad ng pabahay at maayos na makalipat ang mga benepisyaryo.

Isinagawa ang serye ng pamamahagi ng mga susi para sa mga pamilyang nabiyayaan ng programang pabahay noong nakaraang buwan at hanggang sa kasalukuyan. Batay sa tala ng City Urban Housing and Development Office (CUDHO), mayroon ng 1,033 pamilya ang nabigyan ng susi nitong Mayo. Ang mga ito ay maaari nang lumipat sa kanilang bagong tirahan sa Southville 4, ang 18 ektaryang relocation site na matatagpuan sa Brgy. Caingin.

Kumpleto sa pasilidad ang Southville 4 gaya ng tubig, kuryente at kongkretong kalsada. Bukod dito ay naroroon din ang tanggapan ng NHA at Goldenville Realty Development Corporation (GRDC) upang tugunan ang ilan nilang mga katanungan at mga suliranin kaugnay sa kanilang bahay. Sisimulan na rin ang pagtatayo ng paaralan at maliit na palengke. Samantala, ilang housing units ang inilaan bilang pansamantalang klasrum habang di pa natatapos ang school building.

Ayon sa pamahalaang lungsod, hindi dito nagtatapos ang programa ng pamahalaan. Maglalaan din si Mayor Arlene Arcillas-Nazareno ng Daycare Center at programang pangkabuhayan para sa mga pamilyang naninirahan dito.

Nagpaabot din ng pasasalamat sa pamahalaan ang mga nabiyayaan ng programang pabahay sa pamahalaan, dahil sa wakas ang pangarap nilang disenteng tirahan ay natupad na. Ngayon ay makakaahon na sila sa paninirahan nila sa tabing riles.(ARIES ZAPANTA/CIO Sta. Rosa)

No comments: