Friday, June 27, 2008

RELASYON NG PNP at MILITAR SA LUNSOD MAS TUMIBAY

San Pablo City - Nagkaisa ang San Pablo PNP at Armed Forces of the Philippines na magtulungan upang higit na maisulong ang katahimikan at kaayusan sa lunsod na ito at paligid bayan sa isinagawang pagpupulong ng Peace and Order Council (POC) kamakailan.

Ang pakikiisa ay inihayag ni 202nd Brigade Commander Col. Tristan Kison sa harap ng mga stakeholder na kinabibilangan ng PNP, BJMP, BFP, DOJ, DENR, mga NGO’S at iba’t-ibang ahensya ng pamahalaang lokal at nasyunal sa pangunguna ng DILG.

Iminungkahi ni Col. Kison ang paglulunsad ng isang programa na magpapatibay sa relasyon ng AFP-PNP sa komunidad upang matamo ang patuloy na kapayapaan sa lunsod at buong lalawigan. Nakapaloob sa kanyang panukala ang madalas na pakikipagtalastasan sa mga opisyal ng barangay at mga residente nito upang alamin ang kanilang suliraning pangkatahimikan para sa kaukulang alalay sa taumbayan.

Agarang sinangayunan ni P/Supt. Joel Pernito, Chief of Police ng lunsod ang suhestyon ni Kison sapagkat aniya’y talagang epektibo ang naturang panukala batay sa kanilang ipinatutupad na barangay visitation. Ibayong tulong din sa katahimikan ng lunsod ang intelligence sharing na nakapaloob dito ayon pa sa hepe ng kapulisan.

Ang pulong ng POC ay dinaluhan din nina Asst. Provincial Prosecutor Florante D. Gonzales, J/S Insp. Arvin T. Abistillas, SPC Secretary to the Mayor Rudy Laroza at mga personaheng nagmamalasakit sa katahimikan ng lunsod. (NANI CORTEZ)

No comments: