Sunday, June 15, 2008

SAN PABLO CITY SCIENCE HIGH SCHOOL, APAT NA TAON NA

Masasabing bata pa sa kanyang pagtuntong sa ika-apat na taon subalit ang San Pablo City Science High School (SPCSHS) ay nagpamalas na ng kakayanan at may pagka-mitikulong nakaganap sa layunin ng kanyang pagkakatatag.

Sa kanyang pagsalubong sa pang-apat na taon ay buong ingat itong sinubaybayan ni Ms. Helen Ramos na may kaakibat ng pagtitiyaga at ito ay simula sa mga naunang 36 mag-aaral na nakapasa sa mahigpit na pagsusulit at nagpatala bilang First Year ng SPCSHS apat na taon na ang nakakaraan.

Gamit ang mataas na pamantayang ipinasusunod para sa mga paaralang pang-agham ay natamo ng SPCSHS ang kaangkinan at karapatang matawag na isang science high school. Ganap na ang kanyang kabuuan sa pagkakaroon ng First Year hanggang Fourth Year ngayong taong ito.

Kaalinsabay sa pagtupad ng mga guro doon sa kanilang mandato sa paglinang ng kaisipan ng mga mamumukod tanging kabataan ay ang mga mag-aaral ay buong sikap na ginampanan ang papel na sa kanila’y nakaatang. Kinilala ang SPCSHS hindi lamang sa buong lalawigan kundi sa buong rehiyon. Sa pagpasok ng 2008 ay nasa ikatlong puwesto na ang SPCSHS sa general average ng 2008 Regional Achievement Test sa nasasakupan ng Region 4.

Nangangahulugan itong kabilang na ang ating City Science High School sa mga mataas na paaralang maipagmamalaki sa dakong ito ng bansa, na sa kabila ng kanyang kabataan ay maagang naitala ang sariling identity bilang isang institusyon ng karunungan. Kasing kahulugan din nito na nagbunga ang dedikasyon sa gawain nina Ms. Ramos, kanyang mga guro at lahat ng kawani ng SPCSHS.

Maipapakahulugan ring din ang pagkakaroon ng masaganang bunga ay nagbuhat sa inihasik na binhi mula sa punlaan ng pananaw sa dako ng lokal na pamahalaan. The battle is half-way won nang itatag ni Mayor Vicente B. Amante ang SPCSHS at ngayong kumpleto na ang bawat antas ay masasabing ganap na ang tagumpay, deserving praise for a worthy advocacy well done.

Sa bahagi ng mga mag-aaral, buhat sa pitak na ito, ay ang personal kong pagbati. Ang ipinakikita ninyong sigasig sa pagtuklas ng karunungan, ang iniaalay ninyong karangalan sa inyong mga magulang, guro at paaralan, at sa Lunsod ng San Pablo ay aming pinahahalagahan. Tunay na kayo’y aming ikinararangal. (SANDY BELARMINO)

No comments: