Monday, June 16, 2008

HUNYO 19, SPECIAL HOLIDAY SA LAGUNA

Calamba City, Laguna – Higit na magkakaroon ng pagkakataon ang mga Lagunense na gunitain at ipagdiwang ang kapanganakan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal sa inilabas na proklamasyon Blg. 1498 ng Tanggapan ng Pangulo na nagdideklara sa June 19, 2008 bilang special holiday sa buong lalawigan.

Nakasaad sa nasabing proklamasyon ang kahalagahan ng pagdiriwang sapagkat ito ang ika-147 taong kapanganakan ni Dr. Jose Rizal na isinilang dito noong Hunyo 19, 1861. nararapat lang aniya na magkaroon ng angkop na seremonya upang mapalawig pa ang iniwang kaisipan at pananaw ng pambansang bayani.

Sa pangunguna nina Mayor Joaquin Chipeco at Gob. Teresita Lazaro at iba pang lokal na opisyal ay isasagawa ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog nio Rizal dakong umaga at susundan ng isang palatuntunan upang minsan pa’y sariwain ang kanyang kabayanihan na naging susi sa pagkakapagtamo ng kalayaan ng bansa.

Bandang hapon, ayon kay Tourism Officer Dr. Virgilio Lazaga ay magkakaroon ng float parade na magbabandila ng nasyunalismo na lalahukan ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaang lokal at nasyunal, mga samahang sibiko at NGO, at mga karaniwang mamamayan na naniniwala sa aral at legasiya ni Dr. Jose Rizal.

Sa kasagsagan ng parada ay maghahandog ng aerial flower offering ang Philippine Air Force. (NANI CORTEZ)

No comments: