Tuesday, June 24, 2008

BAGYONG FRANK, EYE OPENER

Sa tuwing may magdaraang kalamidad sa bansa ay saka lamang nagkukumahog sa paghahanda ang mga kinauukulan gayong sa ating katatayuan ay bahagi na ng ating buhay ang mga natural calamities na ito.

Marami pa rin ang nagkukunwaring nangabibigla sa dulot nitong pinsala, pinalilitaw na nasorpresa sa kaganapan sa kabila ng katotohanang batid na nila na ang mga likas na sakunang sumasapit ay pabalik-balik lang tulad ng paglakad ng mga araw sa bawat panahon, at inilalabas ang pagka-henyo sa dagliang pagbuo ng mga alituntunin na susundin para sa kaukulang pag-iingat.

Hindi nakatutulong ang reaktibong pamamaraan sa disaster management tulad ng nabanggit na nauuwi sa nakaugaliang pagsisisihan at kadalasang paghuhugas kamay ng mga ahensiyang naatasan upang ibsan ang pinsalang maaaring idulot ng mga natural na kalamidad na sumasapit at nakaaapekto sa buhay ng bawat Pilipino.

Tanggap ng marami na palaging nandiyan ang panganib at pinsalang maaaring idulot ng mga bagyo at lindol sa ating buhay. Dumarating ang mga ito ng may kasiguruhan na kaparis ng pagsikat ng araw katunayan ay kinakapos ang alpabetong Pilipino upang ipangalan sa mga bagyong nagdaan sa bansa. Wala tayong iwas sa mga sigwang ito ngunit kakayanin nating maging ligtas gaano man ito katindi.

Panahon na upang baguhin ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) ang kanilang oryentasyon tungo sa isang pananaw pangkaligtasan para sa mga mamamayan. Nakikiusap na ang pagkakataon upang magpatupad sila ng istratihiya kaugnay sa kanilang mandato na mahusay nilang natutupad- ang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad gaano man kalawak. Sa laki ng kanilang pondo ay ano kaya kung gunawa sila ng kaparaanan sa kung paano ang mga Pinoy ay hindi maging biktima ng kalamidad?

Sana ay binuksan ng Bagyong Frank ang isipan ng mga kinauukulan. Ang pinsalang kanyang iniwan ay nakapanghihilakbot. Nawasak ang maraming ari-arian, pampubliko man o pribado kabilang ang ating mga pananim na pantugon natin sa krisis ng pagkain. Daan-daang buhay rin ang nangawala sanhi ng mga pagbaha sa mga lugar na ngayon lang nila naranasan. Biktima sila ng kawalang malasakit ng ilan nating kababayan, katulad sa mga namatay sa paglubog ng MV Princess of the Stars.(NANI CORTEZ)

No comments: