Calamba City, Laguna - Nagbalangkas na ng hakbangin ang executive committee ng Peace and Order Council sa lunsod na ito upang higit na maisulong ang katahimikan para sa ikapapanatag ng mga mamamayan kaugnay sa pangambang idinulot ng nangyaring masaker sa isang upland barangay dito kamakailan.
Sa dagliang pulong na ipinatawag nina Mayor Joaquin Chipeco at DILG City Director Tirso Laviña ay napagkasunduang magpatupad ng emergency measures upang mabura sa alaala at tuluyang maiwasang maulit ang kahalintulad na pangyayari na gumimbal sa mga Calambeño.
Kabilang sa mga napagkasunduang pamamaraan ay ang pagpapaigting ng police visibility sa kalunsuran sa pamamagitan ng mobile at foot patrol, pagdaragdag ng peace officers na magbubuhat sa mga boluntaryong samahang sibiko at non-government organizations (NGO) at pagpapatatag ng matibay na intelligence network sa tulong ng taumbayan.
Ayon kay Laviña ay magsisilbi ang liga ng mga barangay sa unang hanay laban sa kaguluhan sapagkat sila ang higit na nakaaalam ng pinagmumulan ng bawat suliranin sa kanilang lugar dahil aniya’y kilala ng mga ito ang bawat residente sa barangay.
Si P/Supt. Nestor de la Cueva, hepe ng Calamba PNP ang naatasang tagapag-ugnay ng council sa itinataguyod na peace and order sa lunsod. (NANI CORTEZ)
Saturday, June 7, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment