SALAMAT PO MADAM PRESIDENT- Sina San Pablo City Mayor Vicente B. Amante at Cong. Maria Evita “Ivy” R. Arago kasama ang mga barangay officials ng lunsod nang magpahatid ng pasasalamat kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa ipinaabot na tulong sa 3rd district ng Laguna. (7 Lakes Press Corps)
San Pablo City, Laguna – Nagpahayag ng pasasalamat ang ikatlong purok ng lalawigang ito sa pangunguna ni Rep. Maria Evita “Ivy” Arago at City Mayor Vicente B. Amante dahilan sa mga proyektong pangka-unlaran na inihahandog ng pambansang liderato sa naturang purok.
Nakiisa rin sa pasasalamat sina Mayor Magampon ng Alaminos, Mayor Sulibit ng Liliw, Mayor Orriquia ng Rizal, Mayor Osuna ng Nagcarlan at Konsehal Allan Sanchez ng Calauan kabilang na ang mga Barangay Chairmen at Sk ng bawat barangay ng ikatlong purok.
Ang pasasalamat ay bunsod ng direktang tulong na ipinadadala ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa bawat barangay ng ikatlong purok. Bago pa man dumating ang pagbubukas ng klase ay napaghandaan na ang pagkukumpuni sa lahat ng eskwelahan ng naturang purok sa tulong ng PDAF ni Cong. Arago.
Kapunapuna ang iniluwag ng bawat daan nasyunal man o provincial road na tinustusan din mula sa priority fund ng mambabatas. Sa sector ng agrikultura ay naging kapakipakinabang ang mga farm to market road ng kongresista bukod pa sa mga binhi, pataba at isang trak na panghakot ng ani ng mga magsasaka na libreng ipinagagamit upang madala ang mga produktong mula sa taniman hanggang sa pamilihan.
Una nang dumating ang isang ambulansya na ekslusibong ipinagagamit sa mga nangangailangan mula sa pitong bayan ng ikatlong purok. Nakatakdang dumating pa ang pitong mini-ambulance na kaloob rin ng pangulo para sa mga nasabing bayan.
Nang nakaraang buwan lamang ay humigit kumulang sa P20M piso ang naipamahagi ni Cong. Arago buhat sa kanyang PDAF sa 44 barangay na kinabibilangan ng pro-poor projects tulad ng pagpapakumpuni sa mga barangay roads, pagtatayo ng barangay halls, scholarship grants sa mga mahihirap na mag-aaral at libreng gamot para sa mga kapuspalad.
Nakatakdang iparating ni Cong. Ivy kay Pangulong Arroyo ang pasasalamat ng mga taga-tercera distrito sa nalalapit na state visit ng pangulo sa Estados Unidos kung saan kasama ang kongresista sa official entourage bilang miyembro ng lower house contingent.
Si Arago ay nasa unang taon ng panunungkulan bilang kinatawan ng anim na bayan at isang lunsod na bumubuo ng 3rd district. (NANI CORTEZ/SANDY BELARMINO)
No comments:
Post a Comment