Tuesday, June 10, 2008

BUKAS ESKWELAHAN 2008, NAGING MAAYOS


Iniulat ni City Administrator Loreto S. Amante noong Martes ng tanghali na naging maayos ang pagsisimula ng pasukan sa mga paaralan sa lunsod naito, at naging matagumpay ang implementasyon ng OPLAN Balik Eskwela na magkatuwang na pinangasiwaan nina Chief of Police Joel C. Pernito at PSAF Chief Roberto P. Cuasay, na kikilos na may pakikipag-ugnayan sa Tanggapan ni City Schools Superintendent Ester C. Lozada.

Sa tagubilin ni Mayor Vicente B. Amante, iniulat din ni Amben Amante na ang OPLAN Balik Eskwela ay nagsagawa ng mga dry run simula pa noong nakaraang Mayo 26 upang ang mga tauhang itinalaga sa pagpapatupad ng plano ay maging pamilyar at magkaroon ng sapat na oryentasyon sa mga inaakalang suliraning maaaring lumitaw sa mga araw na nagsisimula na ang pasukan sa mga eskuwelahan sa kalunsuran, at maging sa mga kanayunan.

Tiniyak ni City Administrator Amben Amante na sa lahat ng antas ng mga paaralan ay napaghandaan na, maging ang suliranin sa kakailanganing silid-aralan at naihanap na ng kalutasan ni Mayor Vicente Amante.

Patuloy din ang tanggapan ni Amben Amante sa monitoring o pagsubaybay sa mga kaganapan sa mga paaralang publiko para mataya kaagad ang mga lilitaw na suliranin, samantalang sa mga pirbadong institusyon ay ang kapanatagan ng mga mag-aaral, tulad ng maayos na pangangasiwa sa daloy ng trapiko patungo sa mga private campuses sa lunsod.

Sa tagubilin ni Mayor Vicente B. Amante, hindi lamang ang kapanatagan at kaligtasan ng mga mag-aaral ang dapat pangalagaan, kundi maging ang mga panindang pagkain sa mga bisinidad ng paaralan ay dapat malinis at ligtas para sa kalusugan ng mga kabataang mag-aaral.

Pinahahalagahan ni City Administrator Loreto S. Amante ang City Health Office sa dahilang sa ilalim ng pangangasiwa ni Dr. Job D. Brion, ang tanggapan ay may patuluyang palatuntunan upang masubaybayan ang mga tindahan ng pagkain sa labas ng bakuran ng mga paaralan, at matiyak na ang tadhana ng Code on Sanitation of the Philippines ay nasusunod. (RET/Seven Lakes Press Corps)

No comments: