Sunday, June 8, 2008

CHEAPER and QUALITY MEDICINE BILL ni SEN. ROXAS, GANAP NANG ISANG BATAS



Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang ito’y dumalo sa ginanap na paglagda sa Cheaper and Quality Medicine Bill. Nasa larawan din sina Laguna 3rd District Representative Ma. Evita “Ivy” R. Arago, Sen. Bong Revilla, Sen. Edgardo Angara at Senadora Pia Cayetano. (Sandy Belarmino/7 Lakes Press Corps)

Sta. Cruz, Laguna - Ganap ng isang batas ang Cheaper Medicine Bill nang lagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang naturang panukala sa harap ng mga senador, mga mambabatas mula sa Mababang Kapulungan at mga lokal na opisyal ng lalawigang ito noong Biyernes ng umaga.

Makaraang lagdaan ng pangulo, ito ay makikilala bilang RA 9502 o Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008, na magbibigay pagkakataon sa pamahalaan na amyendahan ang masalimuot na probisyon ng Intellectual Property Code at magpapalakas sa kapangyarihan ng Bureau of Food and Drugs laban sa mga mahihinang kalidad na gamot.

Ayon sa pangulo ay naging katuparan ito ng legislative reform ukol sa gamot para sa mga mahihirap sapagkat hindi lubusang malinaw ang probisyong murang gamot sa Generics Law. Sa tadhanain ng RA 9502 ay tuwirang ipinag-uutos ng batas ang cheaper at quality medicines.

Kabilang sa sumaksi sa seremonya ay sina Gob. Teresita Lazaro at mga opisyal ng lalawigan, mga punong bayan at apat na kinatawan ng Laguna na sina Cong. Ivy Arago, Cong. Dan Fernandez, Cong. Timmy Chipeco at Cong. Egay San Luis.

Sa panig ng senado ay dumalo sina Sen. Edgardo Angara, Pia Cayetano, Bong Revilla at Mar Roxas, ang principal na nag-akda ng Cheaper Medicine Bill sa senado at ang kanyang mga naging counter-part sa Mababang Kapulungan.

Sa eksklusibong panayam kay Sen. Roxas ay nagbigay siya ng katiyakan na ang RA 9502 (Cheaper and Quality Medicine Law) ang magiging katugunan upang ang mga matataas na kalidad ng gamot ay maging abot kaya ng mga mahihirap. (NANI CORTEZ)

No comments: