Langit nang maituturing para sa isang bansa na makaraang magtigis ng dugo at magdusa ng walang hanggang pagpapakasakit ay makapagtamo ng paglayang inaasam. Glorya ito para sa kanyang mamamayan ngunit sa pasubaling kung hindi mag-iimbot ang mga namiminuno sa bayan ay patuloy na magpapahalaga sa ating kalayaan.
Makailang ulit nang natala sa kasaysayan na pinatunayan ng ating mga nagdaang lider na bagama’t ganap pa sa ubod ng dalisay ang natamo nating kalayaan ay wala silang kahandaan na unawain ang ibig nitong ipakahulugan. Ano man ang kanilang kadahilanan, pang sarili o pang-bayan man, ay iisa ang magiging kasagutan – nagbabalik ang kanilang kaisipan sa pagka-busabos ng pagka-alipin.
Sino ba naman sa mga mag-aaral ng kasaysayan ang makalilimot nang itaas ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang watawat ng lahi sa Lalawigan ng Cavite bilang sagisag ng pagsasarili? Sariwa pa rin sa ating alaala ang kombensyon Konstitusyunal para sa ating saligang batas sa Malolos, Bulacan. Maraming marurunong ang nakiisa upang maging bahagi ng naturang yugto ng ating nakaraan.
Subalit talagang may panghalina ang Pilipinas. Matapos ang pamamayagpag ng mga kastila sa loob ng tatlong daang taon ay naakit naman ang bansang Amerika upang sila naman ang manakop.
Habang buong giting na ipinaglalaban ni Pangulong Aguinaldo ang ating kalayaan ay buong gilas namang sinasalubong ng mga ilustrado ang mga Amerikano, na hindi pa nagtatagal ay katulong ng pangulo sa paglikha ng saligang batas ng unang republika. Namayani ang mga dayuhan na nagresulta sa ilang dekadang panunupil sanhi upang mauntol ang ating kalayaan.
Nagamit ng marurunong ang kanilang talino laban sa bayan kapalit ng mga ipinangakong posisyon ng mga Amerikano sa kanilang itinatag na pamahalaan. Ang mga magigiting na nagpatuloy sa pakikipaglaban ay ang siyang pinaratangan pang siyang nagtaksil sa bayan.
Muli tayong lumaya noong 1946 pagkaraan ng maraming dekada ng mga pagtitiis at pagiging alipin sa sariling bayan. Subalit gaano ba tayo kahanda? Wari’y hindi pa dahil nakasanayan na ng ating mga lider ang pagiging busabos na kinailangan pang amyendahan ang saligang batas upang mapagbigyan ang PARITY RIGHTS pabor sa mga Amerikano.
Noon hanggang ngayon ay hawak pa ng ilang lider natin ang tsupon na handog ng mga dayuhan, natatakot itapon dahil sa pangambang masuklam ang itinuturing na kaibigan. Hindi mailapag man lamang, hindi makakilos ni makagalaw sapagkat bagama’t tayo ay malaya na ay nananatili sa kanilang kaisipang ang damdamin ay pagka-alipin. Malaya na po tayo, Mam. (NANI CORTEZ/President 7LPC)
Monday, June 23, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment