Monday, June 16, 2008

PAGTITIPID ANG KASAGUTAN

Sari-saring solusyon ang mga iminumungkahi ng iba’t-ibang sektor ng lipunan sa kinakaharap na krisis ng bansa, na pawang kung iyong pag-iisipan ay hindi makalulutas sa mga suliraning ating pinagdadaanan. May dagliang tulong ding inihahandog ang pamahalaan subalit ang naidudulot na apekto sa taumbayan ay panandalian lamang.

Ang mga pamamaraan ay nagpapakita lamang na batid nating lahat ang problema bukod pa sa pagtanggap dito na ang lahat sa ayaw o sa gusto natin ay magiging bahagi na ng ating buhay. Ang mahirap lang tanggapin sa ngayon ay ang kasalukuyan na nariyan na at ang katotohanang hindi na natin kayang balikan pa ang kahapon.

Sa average price ng produktong petrolyo na nagkakahalaga ng $130 dollar per barrel ay wala nang magagawa tayong lahat, hindi na ito magbabalik sa dating presyo na $27 dolyares kada bariles. Walang kinalaman dito ang sino man lider ng mga bansang umaangkat nito, at wala rin sa posisyon upang ito ay paglabanan kung kaya’t tinataya na bago matapos ang taon na ang halaga ng gasolina ay magiging P60 kada litro.

Nag-resulta sa pag-aagawan ng pamamahala sa Meralco ang mataas na bayarin ng taumbayan sa kuryente. Ito ang nakikitang solusyon ni GSIS President Winston Garcia – na para bagang kapag nagpalit ng management ay atomatikong bababa ang halaga ng singilin ng naturang kompanya.

Hindi makalulutas sa presyo ng produktong petrolyo ang pagtatanggal ng VAT sa nasabing produkto. Kailangan ng pamahalaan, higit sa lahat ang makakalap ng sapat na buwis upang matugunan ang mga gugulin sa ikabubuti ng taumbayan. Ibig sabihin lang na hindi ito ang katugunan.

Hindi rin matutugunan, baguhin man ang management ng Meralco na ang operasyon ay nasasailalim ng mga mahigpit na alituntuning ng Energy Regulatory Commission (ERC). May batas EPIRA din tayong nagpapahintulot sa nasabing kompanya na maningil ng ganoon kataas. Hindi ito kayang baguhin ng kahit sino, maging ng mga mambabatas na kasama sa mga orihinal na nagtaguyod ng batas na ito.

Samakatuwid ay pansamantalang lahat ang solusyon na inihahain sa atin at kailanma’y hindi makagagamot sa sakit na ating nararanasan. Hindi tuwirang sumasagot ang mga ito sa problema, manapa’y makakapag-palala pa sa ating kalagayan. Walang nalalabi at nararapat gawin ang bawat Pinoy kung hindi magtipid upang maibsan ang suliranin nating lahat.(NANI CORTEZ)

No comments: