Thursday, June 12, 2008

KAPAKANAN NG MGA INMATES, PRAYORIDAD NI BJMP RD NORBEL MINGOA

Inilagay ng tanggapan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Regional Director ang kapakanan ng 8,000 bilanggo sa 36 na piitan sa rehiyon 4A upang mapatatag ang panglipunang kalagayan ng mga ito.

Dahil dito ay isang direktiba ang inilabas ni RD J/S Supt. Norbel Mingoa na umaalerto sa mga jail station sa rehiyon upang paghandaan ang pagpasok ng tag-ulan kung saan ay panahon rin ng pagsulpot ng iba’t-ibang karamdaman. Mahigpit ang kanyang naging tagubilin sa mga warden na gawin ang karampatang pag-iingat.

Minamobolisa na ni RD Mingoa ang pagpapasigla ng para-legal service sa bawat jail ng rehiyon na ang layunin ay ang mabawasan ng lima hanggang sampung porsyento ang bilang ng inmates na kanilang pinangangalagaan. Naniniwala si Mingoa na malaking kaginhawahan sa bawat jail kung tuluyan itong maisasakatuparan.

Nakapa-ilalim sa para legal activities ang pagsasanay sa mga law students na pangangasiwaan ng abogado ng Bureau, na siyang mag-aaral sa usapin ng bawat bilanggo na malaon nang hindi dinidinig ng hukuman. Ang mga nabanggit ang maghahain sa hukuman ng kahilingan upang mapalaya na ang naturang inmate, lalo na sa mga kasong hindi na itinuloy ng isang nagreklamo.

Si Mingoa bago maging pinuno ng Calabarzon BJMP ay regional director sa Region 3 ng naturang tanggapan. Nagsimula siya sa mababang katungkulan hanggang maging warden ng Caloocan City at Manila City Jail kung saan nahasa ang kanyang kakayanan. (7 LAKES PRESS CORPS)

No comments: