Wednesday, August 13, 2008

SAN PABLO CITY PNP STATION, BEST PCR SA CALABARZON (Insp. Rolando Libed, Best Junior PCO)

Camp Vicente Lim, Laguna - Tinanghal na Best Police Community Relatives (PCR) sa buong Calabarzon ang San Pablo City Police Station (SPCPS) sa pagtatapos ng pagdiriwang ng PCR Month dahil sa katangi-tanging pagsusulong nito ng mga programang pang-komunidad sanhi upang makamit ng Philippine National Police (PNP) ang katuparan ng kanyang misyon.

Nagwagi rin si P/Inspector Rolando Libed bilang best Junior Police Commissioned Officer city police station level sa buong rehiyon bilang hepe ng PCR ng SPCPS.

Ang parangal na ipinagkaloob ni Calabarzon PNP Chief P/Chief Superintendent Ricardo Padilla, Jr., kay SPCPS COP P/Supt. Joel C. Pernito ay sanhi ng walang humpay na pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga barangay ng lunsod na nagresulta sa pagbaba ng kriminalidad sa naturang lugar.

Kasama sa mga programang ipinatutupad ni COP Pernito bukod sa barangay visitation ay ang paglalapit ng kapulisan sa simbahan, pagsasagawa ng feeding program, pakikiisa sa mga proyekto ng mga NGO at mga samahang sibiko sa mga makabayang pagsusulong para sa kapakinabangan ng mga San PableƱo.

Nagawa ring lunasan ni Pernito ang suliranin ukol sa kakulangan ng Pulis nang mahikayat ang mga concerned citizen na makikipagtulungan sa pulisya sa pagsugpo ng krimen sa lunsod.

Sa panayam kay Hepe Pernito makaraang tanggapin ang parangal ay kanyang sinabi na ang lahat ay dahilan sa disiplina at sipag ng mga pulis San Pablo sa pagpapanatili ng peace and order sa kanilang area of responsibility. Sila ang dapat nating pasalamatan.

Nagpasalamat rin si COP Pernito kay Mayor Vicente B. Amante dahil sa suportang ibinibigay sa kapulisan at PD P/S Supt. Felipe Rojas Jr., sa kanyang matiyagang pagsubaybay sa SPCPS. (Nani Cortez/SEVEN LAKES PRESS CORPS)

No comments: