Calamba City - Mahigpit na ipatutupad ng Department of Public Works and Highway (DPWH) Laguna 2nd Engineering District ang no overloading policy sa mga cargo truck upang higit na mapangalagaan ang mga imprastraktura sa pamamagitan ng inilunsad na computerized weighbridge sa Brgy. Turbina lunsod na ito.
Lumitaw sa pag-aaral ng mga inhenyero ng DPWH na ang mga overloading na trak pangkargamento ang pangunahing sanhi sa pagkasira ng mga lansangan, paghina ng pundasyon ng mga tulay at pagrupok ng mga overpass dahil sa sobrang bigat dala ng labis na kargamento sa itinakdang kapasidad nito.
Kaugnay dito ay agarang ipinag-utos ni District Engineer (DE) Roberto Bernardo ang pagtimbang sa mga magdaraang cargo truck sa computerized weighbridge upang tantiyahin kung may nagagawang paglabag sa no overloading policy bago sila muling pahintulutang maglakbay.
Ayon kay Assistant DE Joel limpengco ay katulong nila sa naturang proyekto ang Land Transportation Office (LTO) at kompanyang Malaysian na siyang nag-o-operate ng South Luzon Expressway, katunayan aniya ay napagkalooban na ang DPWH Laguna 2nd Engineering District ng authority buhat sa LTO na mag-issue ng Temporary Operators Permit (TOP) para sa mga lalabag sa naturang patakaran.
Si Architect Bonny Cortez ang manunungkulang project manager at personal na pangangasiwaan ang proyekto upang makatiyak na masusunod ang mga tadhanain ng mga alituntunin hinggil sa no overloading policy. (NANI CORTEZ)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment