Thursday, August 21, 2008

PANGULONG QUEZON NA-DEMOTE?

Nagdaang ang kaarawan ni late President Manuel Luis Quezon noong Agosto 19 subalit tila walang masyadong nakapansin maliban sa Quezon City at mga lalawigan ng Quezon at Aurora kung saan ang nasabing petsa ay idineklarang special public holiday bilang paggunita sa alaala ng kanyang kabayanihan.

Sa hanay ng ating mga bayani ay si Quezon ang sumasagisag sa mga mithiin ng mga Pilipino na makapag-sarili sa ilalim ng ating bandila bilang simbolo ng kalayaan. Kaya minsan ay nasabi niyang “I prefer a government run like hell by Filipinos to a government run like heaven by the Americans”. Figure of speech itong matatawag, ngunit mababakas mo ang kanyang pagnanais na tuluyang makalaya ang ating bayan.

Karaniwang pulitiko lang si Quezon who happened to be at the right place in a right time ika nga. Nagsimula siya bilang gobernador ng Tayabas Province (ngayon ay probinsya ng Quezon at Aurora) at lumipat sa lehislatibong sangay bilang assemblyman ng buksan ang Philippine Assembly (House of Representative ngayon).

Si Quezon ay isa sa mga haligi ng Nacionalista Party na ang programa sa gobyerno ay kagyat na kalayaan para sa bansang Pilipinas. Dito siya higit na natanyag hanggang maging senador (at pangulo ng senado) noong gawing bicameral ang legislative. Bilang pinakamataas na Pilipinong lider ay nasamantala niya ang pagkakataon upang higit na maisulong ang paglaya ng bansa. At sa maraming pagkakataon ay kadalasang nahihikayat niya ang mga naging amerikanong governor-general hanggang pagkalooban ng gobyerno ng Estados Unidos ang bansa natin na maging Philippine Commonwealth.

Bilang pangulo ay isinulong ni Quezon ang social justice sa bansa at sinanay ang mga Pilipino sa wastong pamamahala. Higit sa lahat ay naipatupad niya ang pagkakaroon natin ng pambansang wika para sa epektibong pakikipagtalastasan sa mga mamamayan. Nanunumpa si Quezon para sa kanyang ika-dalawang termino ay binubomba naman ang Maynila, hudyat ng pananakop ng mga Hapones.

Inilikas siya ng mga Amerikano patungo sa Estados Unidos kung saan siya binawian ng buhay upang hindi na masilayan pa ang sariling bayan.

Katulad ng kanyang kasawian bago maisakatuparan ang isang tagumpay ay muling dinaranas ni Quezon ang pagdadamot ng kasaysayan, sapagkat sa lawak ng Pilipinas na kanyang pinagmalasakitan ay tanging tatlong lugar lang sa bansa ang nakaalaala sa kanyang kabayanihan. (SANDY BELARMINO)

No comments: