Hindi maramot ang pitak na ito lalo’t may nakikitang pagkilos na ang layunin ay maisaayos ang kayang isulong upang maisagawa ng matuwid, huwag lang lubusang makakaapekto sa munting kabuhayan ng ating mga kapatid na maliliit, na kung wala ang naturang kalagayan sa pagtutuwid ay madali naman nating sinasang-ayunan.
Katulad halimbawa ng panawagan nina Vice-Mayor Martin Ilagan at Konsehal Gel Adriano kaugnay ng pagwawasto sa nakagagambalang mga tricycle terminal at walang disiplinang mga sidewalk vendor. Makaraang marinig ang kanilang naising makatulong sa lokal na pamahalaan at mapag-aralan ang mga hakbanging kanilang ipatutupad sa kapakanan ng mga nabubuhay sa pamamagitan ng tatlong gulong ay nagkaroon ng ideya ang pitak na ito na sila ay pansamantalang samahan.
Totoo namang kung ang pila ng tricycle ay nagkaka-doble sa makitid nating lansangan lalo’t higit sa paligid ng San Pablo City Shopping Mall ay medyo pahirap nga sa mga nagdaraan, at kung nagkaka-triple, aba’y sobrang pahirap pa! hindi naman pwedeng hindi payagan na pumila, kaya lang ay iyong tinatawag na single line. Kakayanin na itong pagpasensyahan ng ating mga kababayan.
Ala eh, marahil kung single line ay maaaring hanggang 10 o 15 tricycle ang haba na kung nakaalis na ang lima ay may lima ring papalit buhat sa mga nakalista na naghihintay sa isang maluwag na lugar na dinadaanan ng naturang ruta. Makaluluwag ito sa nagsisiskip nating lansangan.
Nasa tama rin ang pormula na kung maghihigpit tayo sa mga street vendor ay kinakailagang mayroon tayong paglilipatan sa kanila, lalo’t higit ay kahit pansamantalang pwesto na malaya silang makakapag-hanapbuhay. Paraan ito upang hindi sila mangamba habang nagtitinda bukod pa sa napagkakalooban natin sila ng dignidad sa buhay.
Isa pa marahil na nararapat gawin sa ngayon ng Sangguniang Panlunsod ay ang munting mungkahi ng pitak na ito, na MADALIIN ang pagbalangkas ng bagong Market Code sa ating lunsod. Napakatagal na itong nakabinbin sa Sanggunian na kung mapagtitibay ay malilipat na ang ownership ng mga stalls sa palengke sa mga karapat-dapat na magmamay-ari.
Makakatulong din ang pagpapatupad ng Building Code sa Commercial Area sa paligid ng San Pablo City Shopping Mall dahil may nakikitang paglabag ang pitak na ito sa mga may-ari ng nasabing mga gusali.
Ano pa’t kaluwagan sa ating mga daan ang makakamit natin sakaling maisasakatuparan ang lahat ng ito. Ginagawa na ito ng ating mga kapatid na jeepney drivers at ang ilang ambulant vendor ay nagsasama-sama na rin sa mga bakanteng lote. Ginagawa na rin ito ng ibang bayan, kung kaya nila, bakit tayo’y hindi. (SANDY BELARMINO)
Friday, August 1, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment