Monday, August 25, 2008

POWER PLANT TODO BANTAY ANG KAPULISAN

Camp Vicente Lim, Laguna - Maigting na pagbabantay ang isinasagawa ng kapulisan sa Makban Geothermal Power Plant sa bayan ng Bay, lalawigang ito upang makatiyak ng patuloy na daloy ng kuryente sa kamaynilaan.

Sa Memorandum of Agreement (MOA) na kapwa nilagdaan nina Calabarzon PNP Regional Director Ricardo I. Padilla at Danilo S. Sedilla, vice-president ng National Power Corporation (NPC) ay nakasaad ang kahalagahan at ambag ng nasabing Geothermal Power Plant sa ekonomiya ng bansa at mahalaga ang papel ng kapulisan na masiguro ang seguridad ng naturang planta.

Ang MOA ay nalikha sanhi ng patuloy na pagsabotahe sa mga power plant, mga linya at iba pang pasilidad ng NPC na nakakaapekto sa power distribution kung saan ang ekonomiya ng bansa ang nakasalalay.

Bukod dito ay walang humpay na pananakot ang tinatanggap ng mga power plant buhat sa mga rebeldeng grupo, mga terorista at iba pang elementong kriminal na ang pakay ay revolutionary tax.

Batay sa kasunduan ay maglalaan ang pulisya ng tauhan para sa 24 oras na pangangalaga ng seguridad ng Makban GPP at pagpapatupad ng checkpoint samantalang makikipag-koordinasyon ang planta sa pulisya ukol sa intelligence sharing kaugnay sa seguridad upang matuldukan na ang panggigipit ng armadong grupo. (NANI CORTEZ)

No comments: