Saturday, August 9, 2008

KAILANGAN SINA BARANGAY CHAIRMAN

Marami ang nagtataka’t nagtatanong kung bakit sa kabila ng pwersa ng mga barangay chairmen ng lunsod ay sa ilang nakalipas na halalan ay walang nakalulusot na punong barangay patungo sa Sangguniang Panlunsod.

Ang barangay ang pinaka-maliit na bahagi ng pamahalaan na nandoon tuwina sa pinaka-ilalim ng sistemang umiiral, at ang tanong marahil ay saan ba nagbubuhat ang bulto ng mga botante? Hindi nga ba’t sa lahat ng barangay? Ang isa pa’y , bakit hindi ito napapakinabangan ng mga barangay chairman sa kanilang pagtakbo bilang konsehal ng Lunsod?

Pinaka-una sa talaan ng mga kadahilanan ay ang pressure na nararamdaman ng bawat barangay chairman tuwing halalan. Nagpaparaya sila sa prayoridad na naglalagay lang sa background na katatayuan ng kanilang sariling kapakanan. Ang resulta nito’y nalilimutan nila ang kanilang sarili na lingid sa kanila’y nagpapahina’t nakakabawas sa angkin nilang lakas.

Sa kalakaran ng bawat halalan ay pasan ng isang barangay chairman ang bigat ng nakaatang na pagnanais na maipagwagi ang kandidatura ng isinusulong niyang kongresista, gobernador, bise-gobernador, mayor at vice-mayor. Ito ang konsentrasyon ng kanyang kampanya sa barangay, na marahil ay nangyayari dahil sa pangambang mawikaan ng kanyang mga nasasakupan na “aba, chairman tirhan mo naman kami kahit konsehal”.

Ang isa pang masakit na katotohanan ay nagbubuhat sa kaisipan ng mga taong-barangay sanhi ng kanilang pag-idolo kay Chairman, na hindi naman maiiwasan. Sa limang tatakbong chairman bilang konsehal ng lunsod ay asahan mong solid ang botong makukuha ng bawat chairman sa kanilang sariling barangay samantalang ang apat, malamang ang sa hindi, ay wala sa winning circle.

May ilan pang kadahilanan kung bakit wala tayong barangay chairman na nagwawagi bilang City Councilor at ito’y hindi na natin tatalakayin sapagkat maituturing na minor issue na over a cup of coffee ay maaaring pag-usapan. Sa hinaharap bago pa man sumapit ang susunod na halalan ay nakasisigurong magkakaroon na ito nang kalutasan. Magpustahan man tayo!

Itanong nyo pa kina Chairman on leave Ariel Ticzon at Ayong Almario. At kahit kina Chairman Fando de los Santos ng Barangay IV-B, Chairman Wilson Maranan ng San Bartolome at Chairman Benbong Felismino ng San Cristobal.(SANDY BELARMINO)

No comments: