Wednesday, October 28, 2009

SPCGH. BUNGA NG DETERMINASYON NI AMANTE

Nagtagumpay ang mga kritiko ni Mayor Vicente B. Amante na huwag mabuksan ang ipinagawang San Pablo City Emergency Hospital isang dekada na ang nakararaan sa tulong ng mga nalalabuang homeowners at alalay ng mga walang sibling pulitiko na ang mga nasa sa isip ay sariling kapakanan.

Gaano man kadeterminado ang alkalde na tulungan ang nasasakupan sa kanilang pang-kalusugang pangangailangan ay sumunod siya sa ipinag-utos ng batas na huwag buksan ang nasabing emergency hospital at ginawa na lang itong tanggapan ng Woman Center.

Subalit taimtim ang kanyang pananalig, na pinalakas ng paniniwala at determinasyon na ang panahon ay ngayon na, hindi bukas o sa mga panahong darating pa upang magtayo ang lokal na pamahalaan ng sariling pagamutan na kakalinga sa kanyang mga mamamayan.

Sa kung gaano kahaba ang panahong lumipas upang manatili ang determinasyon ni Mayor Amante na maitayo ang state of the art na San Pablo City General Hospital (SPCGH) ay ganoon din ang dami ng pinagdaanang balakid upang ito’y maisakatuparan.. salamat at hindi siya sumuko upang ito’y ipaglaban.

Noong Lunes, Oktubre 26, ay tuluyang napasinayaan ang SPCGH na badya ng inisyal na tagumpay ng mga San Pableño. Sinaksihan ito ng mga kawani ng City Hall na kinusang dito ginanap ang flag raising ceremony, mga barangay officials at ibang kagawad ng Sangguniang Panlunsod (SP) na marahil ay upang tingnan ang kanilang kakulangan.

Ngunit walang dapat ikabahala sapagkat hindi man lubusan ang naging pakikiisa nina Vice-Mayor at ilang kagawad ng SP ay buhay naman ang determinasyon ni Alkalde Vic Amante na isulong ang ikabubuti ng taumbayan. Katunayan ay wala siya kapaguran sa patuloy na pakikipaglaban para sa ating kapakanan at ni hindi kababakasan ng pagsuko.

Ang isang bagay na dapat nating isaalang-alang ay ang SPCGH ay atin, na pag-aari ng bawat isang San Pableño at si Mayor Vic Amante ay kinasangkapan lamang ng Panginoong Diyos upang ito’y maisakatuparan. Pagaanin natin ang kanyang gawain sa ikapagtatagumpay ng SPCGH. Hikayatin nating ang Sangguniang Panlunsod na lubusang makiisa at punuan na ang kakulangan upang ito’y maging ganap. (SANDY BELARMINO)

No comments: