Wednesday, October 21, 2009

SANGGUNIANG PANLUNSOD NG SAN PABLO, NAGHAHANAP NG LABAN?

Sapul noong Setyembre 26 sa pananalasa ng bagyong Ondoy na nagdala ng malakas na pagbuhos ng ulan, na naging sanhi ng mga pagbaha ay hindi na tumigil ang Tanggapan ni Congresswoman Ivy Arago sa pagtulong at pag-alalay sa mga naging biktima partikular ang mga nasalanta sa ilang barangay sa Victoria, Laguna.

Hindi na nga inalintana ng mambabatas ang panganib, at sinuong ang ulan at baha upang alamin ang kalalagayan ng mga nasalanta para sa angkop na pag-ayuda, katunayan ay siya ang pinakaunang opisyal na natalang nakarating sa nasabing bayan.

Sa loob ng humigit kumulang na isang buwan ay makailang ulit na nakabalik si Rep. Arago sa lugar upang mamahagi ng relief goods at kaukulang gamot sa kanyang mga nasasakupan, na ginagawa niya sa kaparaanang tanging ang mga biktima ng baha sa Bayan ng Victoria ang nakakaalam.

Batid ni Cong. Ivy Arago na magtatagal pa bago humupa ang baha kaya naman personal nang pinangangasiwaan ang relief efforts at medical missions sa nasabing lugar. Sa bawat pagkakataon ay walang sinayang na sandali ang mambabatas sa pagkalap at paghahanap pa ng mga donors na taos-pusong tutulong sapagkat kagyat ang kinakailangang lunas.

At sa mga sandaling ganito, madalas na makikitang kasama ng kanyang mga staff ang kongresista sa pagbabalot ng relief goods upang madaling maipaabot sa mga kawawang biktima na magpahanggang sa ngayon ay nasa evacuation centers sapagkat ang kani-kanilang mga tahanan ay lubog pa sa baha.

Kung natural kay Cong. Ivy ang pagtulong ay nakalulungkot naman ang inasal ng Sangguniang Panlunsod ng San Pablo nitong nakaraang Lunes, Oktubre 19, sa kanilang regular na sesyon particular ang privilege speech ni Konsehala Ellen T. Reyes na bumabatikos sa makataong gawain ng kinatawan ng Ikatlong Purok ng Lalawigan. Naging bahagi dito sina Presiding Officer ng Sanggunian na si Vice-Mayor Martin Ilagan at kaniyang mga kaalyadong mga konsehales na tila ikinatuwa pa ang pamamahayag ni Konsehala Reyes.

Nakalulungkot din isipin na sa halip gumawa ang Sangguniang Panlunsod ng San Pablo ng paraan upang agad na makatulong sa mga kalalawigang biktima ng kalamidad ay nais pang papaghinain ang loob ng mga taong kasalukuyang nagtataguyod sa mga ito. Na kung ating muling sisilipin ang inasal ng mga taga-Sanggunian Panlunsod ay animoy mga payaso ng karnabal na ginagawang katawa-tawa ang mga pangyayari. Nasaan na po ang inyong mga budhi? May panahon pa upang magbago. Pakatandaan ninyong may paghuhukom sa Mayo 10, 2010 at hindi makabubuti sa inyong katayuan ang lumikha ng maraming kalaban. (SANDY BELARMINO, VP-Seven Lakes Press Corps)

No comments: