Mataas na Kahoy, Batangas - Lubusang pinahahalagahan ni Mayor Danilo Sombrano ang papel na ginagampanan ng kanyang mga barangay chairman sa bayang ito na patuloy sa pagpapanatili ng katahimikan ng nasabing munisipalidad.
Ito ang dahilan ayon sa alkalde kung kaya’t palagian ang ginagawa niyang konsultasyon sa mga opisyal ng 16 barangay na bumubuo ng naturang bayan tuwing araw ng Lunes kung saan kanilang tinatalakay ang mga suliranin upang magkaroon ng kalutasan.
Sa kaparaanang ito dugtong pa ni Mayor Sombrano ay naiiwasan ng kanyang bayan na matulad sa ibang lugar agrikultural na dumadanas ng problemang pangkatahimikan lalo pa’t humihina kada taon ang ani ng bukirin.
Isa sa may pinakabatang kasaysayan sa lalawigan ng Batangas (naging bayan Enero 1, 1921 mula sa Lipa City) ang bayang ito ay nabiyayaan ng dalawang barangay na overlooking sa tanyag na Taal Lake na nagbunsod sa pangasiwaan ng alkalde na isulong ang eco-tourism ng munisipalidad sa kapakinabangan ng 28,000 residente ng lugar.
Bagama’t bago pa lang nakakaakyat sa pagiging 4th class mula sa 5th class municipality ay nakakapagpatupad pa rin si Mayor Sombrano ng mga proyekto tulad ng pagpapasemento ng mga daan at iba pang pagawaing-bayan. Sa kasalukuyan ay ginagawa pa ang extension ng municipal building upang mapunan ang kakulangan ng mga tanggapan.
Ang alkalde ay nasa pangalawa patungo sa pangatlo at huli niyang termino bilang punong bayan. (NANI CORTEZ)
Saturday, October 31, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment