Saturday, October 31, 2009

MASA LABAN SA OLIGARKIYA

Masakit man isipin ngunit hindi maiiwasang dito patungo ang takbo ng halalan sa panguluhan ng bansa sa Mayo 2010 sa pagkakadeklara ni dating Erap na tumakbong muli sa nasabing halalan.

Kakatawanin ng ERAP-BINAY tandem ang pangkatin ng mga mahihirap o iyong tinatawag nating masa samantalang ang NOYNOY-ROXAS ay grupo ng mga eletista at mga negosyante na kinabibilangan ng mga oligarch na kumukontol sa kabuhayan nating mga Pilipino.

Maaaring may magtatwa subalit reyalidad na ang bumubuo ng larawan sa ganitong kaganapan sapagkat ang kilos at iginagawi na ng mga tagapagtaguyod ng bawat kampo ang magpapahiwatig ng nakatakdang mangyari – ang paglalagay ng pagitan sa malakas at mahina, makapangyarihan at karaniwang mamamayan, o mayaman at mahirap.

Kung saan ito hahantong ay walang makapagsasabi, subalit ang nakatitiyak ay ang uri ng kampanyang magaganap dahil ang kandidatong kakatigan ng mga oligarch ay makapagtataguyod ng marangyang paglilibot sa mga lugar ng botanteng naghahanap ng pansamantalang ginhawa.

Walang magiging sagabal sa takbo ng kampanya ng kandidatong suportado ng mga oligarch sapagkat ituturing ng mga itong investment ang financing na ipinagkakaloob na babawiin balang araw. Ang campaign fund na ito ang patuloy na magluloblob sa taumbayan sa kahirapan, ngunit rangya naman para sa kandidatura ng kanilang tinutulungan.

Medyo dehado ang NOYNOY-ROXAS tandem sa ganitong sitwasyon sapagkat ang pagdikit sa kanila ng mga oligarch ay tumatatak na sa isipan ng taumbayan. Sana hangga’t maaga ay makawala sila dito sapagkat hindi ito makakatulong. (TRIBUNE POST)

No comments: