Saturday, October 31, 2009

PANLILINLANG

Hinahanap pa magpahanggang sa ngayon ng pitak na ito ang lohika sa likod ng mga pag-aaral at pananaliksik ng mga survey firm kung saan kapwa nanguna si Sen. Noynoy Aquino sa hanay ng mga presidentiable.

Immaterial sa pitak na ito sa kung sino ang nanguna sa mga naturang pag-aaral at kung si Sen. Noynoy nga ay so be it. Ang nakakatawag pansin lang at medyo nakakabahala ay ang paraan at pamamaraan ay lubhang hindi makatotohanan na tila guni-guni lamang na unfair sa bahagi ng senador.

May mga lumilitaw na opinion dito na parang may iniiwasang masaling ang mga nagsagawa ng survey at may itinatagong resulta na ayaw ipaalam sa taumbayan. Ito’y dahil tila selective sila sa nais lamang na pakinanging personalidad sapagkat ang mga talang pumapabor lang ang inihahayag sa publiko.

Dapat nilang isaisip na ang sangkot dito ay damdaming bayan sapagkat ang posisyon ng panguluhan ng bansa ang nasasalalay at hindi dapat paglaruan lamang. Kapag ganito ang mangyayari palagi ay mawawalan na ng tiwala ang taumbayan sapagkat lumilitaw na nagsasagawa lang ng trending ang mga research firm na ito.

Bakit nga hindi? Saan ka ba nakakita ng presidentiable na mistulang inihambing lamang sa isang produkto na pili ang merkado? At saan ka nakakita ng eleksyon na tatlong kandidatong pangulo ang inihahalal? Ano ang kanilang iniiwasan? Ano ang kanilang itinatago? Ano ang nais nilang palitawin?

Sa survey na isinagawa sa tinatawag na Dagupan-Lucena Corridor ay nanguna si Sen. Noynoy laban sa kanyang mga katunggali, ngunit ang pinag-uusapan po natin ay pangulo ng republika at ang naturang lugar ay bahagi lamang ng bansa. Hindi ito ang kabuuan ng Pilipinas. Unfair ito sa mga kababayan nating Ilokano, Bikolano, Bisaya hanggang sa kaliit-liitang tribo sa Mindanao.

Susundan ito ng isa pang survey na kung saan ay hinahayaang pumili ang respondent ng tatlong kandidato sa pagka-pangulo na tila baga may 1st President, 2nd President at 3rd President of Republic of the Philippines. Isa na itong panlilinlang sapagkat marahil ay batid nilang malaki ang pagkakataon ng kanilang nais itampok na mapasama bilang 2nd o 3rd choice sa mga pagpipilian. Sa kung isa lang at nag-iisa ang pangulo ng bansa ay dapat sanang isa lang ang dapat maging sagot.

May konklusyon ang mga mapagmasid sa mga bagay na ito – mayroong interest group na gumagawa ng trending, they’re just buying time hanggang totoong ang kanilang pet ay maging number one sa survey. (laser/Tribune Post)

No comments: