Saturday, October 31, 2009

OLIGARKONG PAGNANASA

Epektibo ang binuong kilusan para sa kabataan ng isang giant TV network upang diumano ay matamo’t makita ang landas ng pagbabago na tila nga naman isang napakadalisay na layunin.

Nakapagbibigay ito ng inspirasyon sa mga kabataan upang maging makabayan, makkatwiran at kumilos ng agaran nang sa ganoon ay maligtas ang bansa sa pagkaduhagi, subalit ano nga ba ang pakay ng TV network na ito, at sino ang nagmamaniobra?

Sa bawat araw na magdaan ay libu-libong kabataan ang kanilang nahihimok dahil sa mala-manopulyang pag-angkin na sila lang ang tanging daan patungo sa landas ng pagbabago, sila lang ang nagtataglay ng katotohanan at sila lang ang may kakayanang umakay.

Hindi maikakaila na tayo’y nasa kalagayang nakalulunos, na kinakailangang magkaroon ang lahat ng alab sa puso para sa bayan, na kinakailangan makipaglaban para manaig ang katwiran at kinakailangan na ang pagtayo sapagkat mabigat na ang gawain na hindi na kaya kapag nakaupo.

Ngunit nakapagdududa ang nasa likod ng kilusan na kahit sinong batang kalsada at karaniwang mamamayan ay may hinuha na sa pagkakakilanlan, sapagkat kataka-taka nga namang ngayon lang tinubuan ng pag-ibig sa bayan at ginagamit pa ang mga kabataan.

Kabataan gamitin ninyo ang inyong talino. Maging mapagmasid kayo sa inyong “Tagapagligtas” sapagkat baka sila na ang salarin kung bakit tayo’y nagdaranas ng kahirapan, kasiphayuan at kaapihang nais nating takasan.

Kaiingat kayo! Magsuri at huwag masyadong padala sa simboyo ng damdamin. Kilanlin ninyo mga kabataan ang mga umaakay sapagkat baka sila na ang bulaang mangingibig na may oligarkong pagnanasa. (tRIBUNE POST)

No comments: