Kumpleto na ang mukha ng May 2010 elections kung ang mga pangunahing kalahok ang pag-uusapan sa pagkakadeklara nina dating Pangulo Joseph “Erap” Ejercito Estrada at Makati City Masyor Jejomar Binay bilang pambato ng genuine opposition sa pagka-pangulo at pagka-pangalawang pangulo ng bansa.
Sa makasaysayang seremonyang ginanap sa Tondo, Manila, ay inihayag na ng Erap-Binay tandem ang kanilang kahandaan sa pagtakbo sa nasabing posisyon na ikinatuwa ng libo-libong mga sumaksi dahil ayon sa kanila ay katuparan na ito ng kanilang inaasam na magkaroon ng sariling kandidato ang tunay na oposisyon.
Iba’t-ibang kulay at uri nga naman ang klase ng oposisyon sa bansa. May malasado, may maputla at alanganin, at may hindi mo mawari ang ipinaglalaban na ang paninindigan ay nakadepende sa pansariling interes kaya’t nakalagay sa abang katayuan ang taumbayan.
Ang tambalang ERAP-BINAY anila ang malaon na nilang hinihintay sapagkat kaakibat nito ang walang alinlangang pagpapatupad ng hustisya na waring naipagkait ng kasalukuyang administrasyon sa pagtangging malitis o maimbistigahan man lamang, maging sa korte o kahit sa kapulungan ng senado at kongreso.
Wala silang alinlangan sa tambalang ERAP-BINAY dahil subok na nila ang mga ito sa paninindigan at pakikipaglaban. Humantong pa nga ito sa pagkakakulong ni Erap sa loob ng anim na taon sa kasalanang sa wari ay likhang isip lamang, na ang tanging layunin ay mapigilang makabalik ito sa upuang inagaw sa kanya.
Kilala rin si Mayor Binay sa kanyang determinasyong ipaglaban ang tama, mangahulugan mang manganib ang kanyang buhay at panunungkulan. Kasama lagi si Binay sa pagbubunyag ng katiwalian sa gobyerno, hindi natatakot katunayan ay ipinagtanggol ang kanyang sarili sa mga nanggigipit sa katwirang kung magagawa ito sa alkalde ng pangunahing lunsod ng bansa ay mas lalong kakayanin sa mga karaniwang mga mamamayan.
Sa halip na magpasindak, ay binigyan pa ni Mayor Binay ng tahanan ang mga nagnanais magpahayag ng kanilang damdamin upang makapaglantad ng mga kabulukang nangyayari sa loob ng pamahalaan, dangan nga lamang at naging bingi ang mga nasa kapangyarihan.
Salig sa karanasan at kakayanan nina Pres. Erap at Mayor Binay ay nakasisigurong madidinig na ang sigaw at tuluyang malulunasan ang injustice na malaon nang idinadaing ng bayan.(nani cortez)
Tuesday, October 27, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment