Nagcarlan, Laguna - Ang panunumbalik ng kaunlaran, pagpapatibay ng makataong paglilingkod at pagsusulong ng transparency and accountability ang pangunahing hangarin ni dating Mayor Rosendo R. Corales sa kanyang muling pagtakbo bilang alkalde ng bayang ito.
Magugunitang si Corales ay nakapag-silbi ng tatlong magkakasunod na termino bilang punong bayan mula 1998 hanggang 2007 kung saan natamo ng lugar ang ibayong kaunlaran. Mula sa taunang kitang P27-milyon ng munisipyo ay napaunlad niya ito sa P63-milyon kada taon sa pagtatapos ng kanyang termino.
Partikular na binigyang pansin ni Corales ang pagpapagawa ng mga farm-to-market road na lubhang kailangan ng isang lugar na agrikultura ang ikinabubuhay ng maraming mamamayan.
Naipagawa rin ng dating alkalde ang water system ng bayan na sa ngayo’y dumadaloy na sa 52 barangay, pinaunlad ang komunikasyon, nagsulong ng livelihood projects at higit na pinagtuunan ang kahalagahan ng edukasyon sa pagpapagawa ng mga gusaling pampaaralan sa mga barangay.
May mga proyekto ayon kay Mayor Corales na hindi siya natapos at ito aniya ang kanyang ipagpapatuloy sakaling muling maluklok sa tungkulin. Kabilang dito ang pagkakaroon ng nursery para sa mga magsasaka kung saan magsasaliksik ng mga high value crops, pagtatayo ng feed mills at pagsisikapang magkaroon ng low cost housing sa bayang ito.
Lahat ng ito ay kayang gawin ayon pa kay Mayor Corales sa pamamagitan ng cost cutting o iyong tamang paggamit ng salapi mula sa kabang yaman, pro-people sa pamamahala at pangangasiwang walang bahid ng graft and corruption. (NANI CORTEZ)
Wednesday, October 28, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment