Isang deklarasyon ang katumbas ng slogan at sinabi ni Angie Yang, biyuda ni BM Danny Yang, na TULOY ANG LABAN NI D.Y. na tila naman katanggap-tanggap sa maraming mamamayan ng San Pablo. Walang katiyakan kung ang ibig sabihin ng biyuda ay ipagpapatuloy ang ginagawang pagtulong ni D.Y. sa mga nangangailangan bilang isang pribadong mamamayan o bilang isang lingkod bayan na lalaot sa larangan ng pulitika.
Kung sakali man ang huli ang ibig sabihin ni Angi ay isang tagpo ang magaganap kung saan magpapabago ng takbo ng pulitika sa lunsod na ito. Ang tanong lang marahil ay gaano kalayo sa mga bakas ni D.Y. ang kanyang hakbangan at kung paano niya isasagawa ito.
Una marahil niyang hakbang na dapat gawin ay ang ma-appoint na kapalit ni D.Y. bilang konsehal. Hindi natin alam kung may sasagabal dito sapagkat kadalasang ang miyembro ng kinabibilangang partido ng nasawi ang pumapalit. Ngunit sa panig ng PDSP ay sa tingin natin ay wala namang tututol, batay na rin sa suporta nila sa pamilya at alang-alang sa legasiyang iniwan ni Yang.
May dapat pang tawirin si Angie kapag naitalaga bilang konsehal. Ang una ay babawiin ba niya ang tungkuling iniwan ni D.Y. bilang pangulo ng Philippine Councilors League sa lalawigan at pagka-board member o bokal. Sa ating pagkakaalam ay hindi basta ito nalilipat sapagkat ang vice-president ng liga ang otomatikong pumapalit sa pangulo sakali mang wala itong kakayanang manungkulan.
Ang una ring dapat nating mabatid ay bakante ang pwesto ng pangalawang-pangulo ng liga sanhi diumano na una na itong nag-resign sa di malamang kadahilanan. At hindi rin natin alam kung ano ang isinasaad ng kanilang by-laws hinggil dito. O baka naman ang pagdating ni Angie sa PCL ang kalutasan sa gusot kung meron man?
Higit sa lahat ay magagawa kayang punan ni Angie ang katayuan ni D.Y. bilang kandidato sa pagka bise-alkalde ng San Pablo? Batay sa pag-aaral ay may natipon na si D.Y. na 45% bilang ng botante bago ang kanyang malagim na kamatayan na ibig lang sabihin ay panalo na si D.Y kung 80% lang ng mga botante ang boboto pagsapit ng halalan.
Sabagay ay maaaring kayanin ito lahat ni Angie dahil sa simpatiya ng taumbayan kay D.Y., ang tanong lang ulit marahil ay gaano kabilis si Angie na makaaangkop sa ikli ng panahon? (SANDY BELARMINO)
Monday, July 6, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment