Isang samahan ang binubuo upang papag-isahin sa tanging layunin ang aspeto ng turismo, kalikasan at kabuhayan na may kinalaman sa pitong lawa ng lunsod na ito.
Batay sa paunang ulat ng magpulong-pulong ang lahat ng Non-Government Organization (NGO’s) sa pagtatayo ng matibay na konseho na ang ipaglalaban ay kapakanan ng mga San Pableño.
Sa ngayong ay maraming NGO dito na may mga magkakahiwalay na adbokasiya ukol sa mga lawa na bagama’t hindi pa lubusang nagkakaisa ay pawang naninindigang ang susi upang mapangalagaan ang mga ito ay mapabalik sa hurisdiksyon ng pamahalaang lunsod ang pitong lawa.
Panahon na anila na mabawi ng mga San Pableño ang pangangasiwa sa pitong lawa sapagkat higit kanino man ay batid ng mga ito kung ano ang tunay na pagmamalasakit.
Sa panayam kay City Adminstrator Loreto “Amben” Amante ay kanyang pinagtutuunan ng pansin ang House Bill 02662 ni Congresswoman Maria Evita Arago na magbabalik karapatan sa lunsod upang pagpasyahan kung anong ikabubuti ng mga lawa sakaling maihiwalay ito sa Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Maingat na pinag-aaralan ng Committee on Local Government ang naturang bill ni Arago sapagkat ito ang kauna-unahang panukala sa kamara tungkol sa pagnanais ng pamahalaang lokal na makahiwalay sa LLDA, na posibleng lumikha ng precedent sa ibang lalawigan na may kaparehong kalagayan.
Samantala ay hinikayat ni Mayor Vicente B. Amante ang kanyang mga constituents na lumiham sa nasabing komitiba ng kongreso upang mapagtibay na ito sa committee level nang sa ganoon aniya ay mapadali ang pagsasabatas nito.
Sa isang banda, ay dalawang panukalang batas na ni Rep. Arago ang napagtibay na ng kongreso, ang Integrated Medical Organization Act of 2007 at Anti-Theft and Robbery of Portable Telecommunication Devices Act of 2008, ang kasalukuyang tinatalakay na sa Senado. (SANDY BELARMINO)
Monday, July 6, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment