Wednesday, July 1, 2009

REBOLUSYON, ILULUNSAD NG PDSP

San Pablo City - Maglulunsad ng isang mapayapang rebulusyon ang Partido Demokratikong Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) at naghayag na hindi sasama kanino mang kandidato sa pagka-pangulo sa darating na halalan.

Isa ito sa buod ng sinabi ni National Security Adviser Norberto Gonzales sa idinaos na necrological service patungkol at alay sa napaslang na PDSP Secretary-General na si Laguna PCL President Danny Yang noong araw ng Linggo. Dumalaw sa lamay ni Yang ang kalihim bilang punong tagapagpaganap ng PDSP.

Nanawagan pa ang kalihim na huwag payagang manaig ang pwersa ng pulitika kung saan ang mga mahirap ay lalong naghihirap at walang pagbabagong nakakamit ang bansa. Ito ang dahilan ayon pa kay Gonzales kaya;t ang mga mahihirap ay walang pagkakataon sa mga pambansang posisyon.

Kaugnay sa nangyari kay Yang at dalawa nitong kasama ay nangako itong papanagutin sa batas hindi lamang ang mga salarin kung hindi pati na ang utak sa nangyaring karahasan. Hindi dapat itong mangyari ayon pa sa kalihim.

“Bakit namatay si Danny?” ang tanong ni Gonzales.

Tuwirang sinagot ng kalihim ang katanungang ito’y sapagkat maigting na isinusulong ng bokal ang paniniwala at gawaing karapat-dapat ayon sa prinsipyo ng demokrasya.

Dito ay tinukoy niyang ang mga nagnanais magpapatay sa pangulo ng republika ang siya ring pumatay kay Yang. Bahagi aniya ito ng dahas na gusto nilang mamayani dugtong pa ng kalihim.

Sa pagtatapos ni Gonzales ay pinayuhan niya ang maybahay nang yumaong bokal na si Angie Yang na tumindig at gumawa ng sariling laban.(NANI CORTEZ)

No comments: