Saksi sina Mayor Vicente B. Amante, City Administrator Loreto “Amben” Amante, dating City Administrator Atty. Hizon A, Arago, representing Congresswoman Ma. Evita Arago, mga opisyal ng PDSP at ilang kaanak ay nanumpa na bilang kahaliling konsehal ng napaslang na San Pablo City Councilor Danny Yang ang kanyang kabiyak na si Angie Yang noong Lunes kay Laguna Governor Teresita “Ningning” Lazaro.
Ang panunumpa ni Gng. Yang bilang lingkod bayan marahil ay na patotoo sa kanyang pangako na ipagpapatuloy ang naiwang gawain ng yumaong asawa, na sa kabila ng idinulot na dalamhati sa kanyang pamilya sanhi ng naganap na karahasan ay hindi matalikuran ang tungkuling iniwan ni D.Y..
Sa panunumpang ito ni Konsehala Angie ay dalawang katauhan ang dapat niyang bigyang pansin – ang pagtupad bilang single parent para sa kanyang mga anak at bilang ina sa kanyang mga constituents na kapwa may kabigatan lalo pa nga’t malaki ang inaasahan ng mga ito sa mga pangarap na iniwan ni D.Y..
Matatag na tinanggap ni Konsehala Angie ang habilin ng kabiyak para sa pantay na pagkalinga ng pamahalaan sa lahat, kung kaya’t nagpasiyang pangunahan ang pag-abot sa mga pangarap na ito at sa tulong ng mga naniniwala sa ipinaglalabang ito ni D.Y. ayon sa konsehala ay katiyakan para sa katuparan.
Walang gatol ang pag-ako ni Konsehala Angie sa mga tungkuling iniwan ni D.Y.. “Itutuloy ko po ang laban ni D.Y.”. subalit hindi niya kaya ito ng nag-iisa, kailangan niya ang pag-alalay ng lahat. Mas marami ang tutulong ay mas makagagaang sa gawain tungo sa mga adhikain ng yumaong konsehal.
Dapat nating tandaan na ang bawat banal na naisin ukol sa bayan ay maisasakatuparan lamang kung ang lahat ay magtutulong-tulong. Hindi dapat iasa kay Angie ang lahat sapagkat lubhang napakabigat ng gawain. Tulungan natin siya para sa kagyat at dagliang katuparan. Gawin natin si Angie na simbolo ng pagkakaisa. (SANDY BELARMINO)
Thursday, July 9, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment