Friday, July 31, 2009

PDP-LABAN, LAGANAP NA SA SOUTH LUZON

San Pablo City - Laganap na sa buong Timog Luzon ang adbokasiyang welfare state na isinusulong ng Partidong Demokratiko Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-LABAN) sa walang humpay na pagsasagawa ng Barangay Membership Seminar (BMS) sa mga lalawigan, lunsod, bayan at kanayunan ng CALABARZON (Region 4-A), MIMAROPA (Region 4-B) at Kabikulan (Region 5) sa nakalipas ng isang taon.

Napag-alamang halos lahat ng barangay at bayan sa mga nasabing rehiyon ay napagdausan na ng BMS at pawang nakapagbuo na ng konseho municipal para sa PDP-LABAN, na kinabibilangan ng mga kabataan, NGO’s at mga opisyales ng barangay, bayan at lunsod.

Sa kabila ng patuloy na paglago ay hindi pa rin nagtutugot ang liderato ng partido na binubuo nina Senador Aquilino Pimentel bilang chairman, Makati City Mayor Jejomar Binay, pangulo, at Atty. Koko Pimentel bilang secretary-general sa pagpapaabot ng suporta sa mga regional chairman upang makaabot pa ang adbokasiya sa mga malalayong barangay.

Sa pamumuno ni dating Vice-Mayor Celia Conducto-Lopez ay nagdaos ng BMS ang nasabing grupo sa mga island-town ng Quezon, Alabat at Perez sa lalawigang Quezon, kung saan nakiisa sa layunin sina Vice-Mayor Pedrito Alibasbas, Jr., Vice-Mayor Pelagio Baldovino at Perez No. 1 Councilor Randy Caparas, mga punong barangay, NGO’s at youth leaders.

Nakiisa rin ang mga senior citizen at nakapagbuo pa ng BE-NICE Movement ang mga kabataan sa mga nasabing bayan.

Mula sa inisyatiba ni Lopez ay ganap nang nabuo ang municipal council ng PDP-LABAN sa mga bayan ng Victoria, Calauan, Rizal at Nagcarlan sa ikatlong purok ng Laguna, samantalang ang konseho sa lunsod na ito ang pinaka matibay sa bansa sapagkat ito ang pinaka unang chapter ng partido sa labas ng Metro Manila na nakatayo pa sapul ng 1983.

Katulong ni Lopez sa lalawigang ito ay sina Rizal Vice Mayor Aurelio, Victoria Councilor James Rebong at Kon. Pamboy Lopez ng lunsod na ito.

Ang welfare state principle ayon kay Lopez ay kahalintulad ng pamamahala ni Mayor Binay sa Lunsod ng Makati kung saan ibinabahagi ng lunsod sa mga mamamayan ang pakinabang sa pamamagitan ng libreng edukasyon, pagpapa-ospital at iba pang benepisyo na dapat tamasain ng taumbayan.

Ito rin anya ang nasa likod kung bakit inakda ni Senador Pimentel ang Local Government Code kung saan ang lokal na pamahalaan ang nagpapasya sa kung paano pauunlarin ang pamayanan batay sa tinatanggap na Internal Revenue Allotment (IRA) na kabahagi mula sa pambansang buwis ng pamahalaan. Ipinaglaban ito ni Pimentel noong unang termino niya bilang senador upang mapalawig ang Welfare State Principle.

Bukod sa pagiging dating vice-mayor ay si Lopez ang nanunungkulang Deputy Secretary=General ng PDP-LABAN sa South Luzon. (NANI CORTEZ)

No comments: