Victoria, Laguna - Nakatakdang ipamahagi sa limampung (50) kwalipikadong pamilya ang mga lote sa Danbuville, Brgy. San Francisco bayang ito bilang bahagi ng programa ng pamahalaan para sa mga kapuspalad na mga mamamayan.
Ang proyektong Danbuville ay naisakatuparan sa pamamagitan ni 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago at sa ginawa niyang pakikipag-ugnayan sa National Housing Authority (NHA).
Magugunitang tinustusan ito ng naturang ahensya ng pabahay ng P997,500.00 sa ilalim ng programang lupa para sa mga walang lupa ng gobyerno.
Ayon kay Gemma Ignacio tagapangulo ng Danbuville Homeowner Association ay mas napadali ang pag-a-award sa kanila ng mga nasabing lote sapul nang si Rep. Arago ang nakipag-negosasyon sa NHA, at ngayon ay halos abot tanaw na nila ang matagal na nilang pinapangarap na lupang tirikan ng bahay.
Napag-alaman buhat kay Kalihim Boy Aquino na tumatayong coordinator at consultant ng proyekto na idadaan sa raffle ang naturang lote sa lahat ng kwalipikadong pamilya upang maging patas sa pagbabahagi ng lokasyon.
Tiniyak ni Aquino na ang lahat ay may loteng nakalaan. Nabatid pa kay Aquino na si Rep. Arago rin ang nagsaayos ng right of way at pagpapasemento ng bagong pamayanan.
Sa kasalukuyan ay isinasayos pa ng mambabatas sa NHA ang panibagong 91 lote ng Masville para sa mga benepisyaryo ng Brgy. Masapang, upang makasigurong abot kaya ang magiging buwanang hulog sa nasabing ahensya. (Seven Lakes Press Corps)
Wednesday, July 22, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment