Nagdulot ng malaking alalahanin sa taumbayan ang mga pagsabog na nagaganap sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na kumikitil ng buhay sa mga inosenteng mamamayan bukod pa sa mga maraming malubhang nasusugatan sanhi ng mga nasabing insidente.
Ikinababahala ng bawat pinoy ang katampalasanang ito na hanggang sa ngayon ay hindi pa lubusang matukoy ng mga may kapangyarihan ang tunay na may kagagawan, subalit sino man sila ay anong interes ang kanilang ipinaglalaban at isa itong maka-terorismong gawain.
Wala itong puwang sa lipunang ating ginagalawan sapagkat sa bawat pagsabog na kanilang gawin ay maling mensahe ang kanilang naipapaabot na nasasagap ng taumbayan. Lumalayo ang damdaming bayan sa mga grupong ito na nagpapahina lalo sa kanilang naisin.
Sa labas ng AFP ay dalawa o tatlo lamang grupo ang may kakayanang magbuo ng bombang pampasabog at nagtataglay ng lakas ng loob upang tuluyan itong pasabugin sa ikapagtatagumpay ng kanilang layunin. NAKAPANGINGILABOT!
Naisasagawa nila ito nang walang pakundangan sa buhay ng kanilang kapwa sapagkat ang higit nilang pinahahalagahan ay ang halina ng kapangyarihan. Ito ang pinakamahalaga sa kanila makapalit man ang mga walang muwang na nangangabuwal.
Para sa kanila ay isa itong pamamaraan upang mapadali ang tagumpay, ngunit ano ang uri nito at ano ang kulay? Magkaganoon man ay hindi nila ito iniisip sapagkat ang trono ng kapangyarihan ang pangunahin nilang pinagtutuunan ng pansin bukod pa sa mataas na kilatis na tinataglay ng paligid ng korona.
Samakatuwid ay wala silang ipinag-iba sa ating mga tradisyunal na pulitiko na ang sandata ay gun, goons and gold upang manatili sa kapangyarihan, samakatuwid ay hindi sila isang option na mapagpipilian at samakatuwid ay hindi sila matibay na pader na maaaring sandalan ng sambayanan. (nani cortez)
Wednesday, July 15, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment