Saturday, July 25, 2009

MGA BANDERANG KAPOS, LAGLAG NA

Nagkakaroon na ng mukha ang sa kung ano ang magiging larawan ng sasapit na halalang pampanguluhan sa 2010 kaugnay sa inilabas na resulta ng pag-aaral ukol sa preference ng mga Pinoy sa ipangpapalit kay Gng. Arroyo sa Malakanyang.

Sa pananaliksik ng Social Weather Station (SWS) ay lumitaw ang pangunguna ni Senador Manny Villar na nakakuha ng 33%, patuloy na pagtaas sa rating ni Pangulong Erap na 25%, na pinangatluhan nina Senador Chiz Escudero at Mar Roxas na kapwa nakakuka ng tig 20%. Bumulusok pababa sina Senadora Loren Legarda at Vice-President Noli de Castro sa 15%.

Ibig sabihin nito ay seryoso na ang mga Pinoy sa kanilang pagnanais na mapalitan na si Gng. GloriaArroyo at ano mang balakin ng administrasyon na manatili sa kapangyarihan ay mariin nila itong tututulan. May mensahe rin ang pagbagsak ni Legarda sapagkat sumasagisag ang senadora sa kasarian ng kababaihan na hindi lubusang naiangat ni Gng. Arroyo sa hinaba ng panunungkulan.

Tuluyan na ring nawalan ng gana ang mga Pinoy sa pagpapa-cute ni Vice-President de Castro na hanggang sa ngayon ay nagpapakipot pa rin sa kung tatakbo siya bilang pangulo ng bansa. Hindi ito nagustuhan ng mga Pilipino at ano man ang dahilan ni de Castro sa pag-u-urong-sulong ay malinaw na hindi nakatulong sa kanyang kandidatura.

May katwiran ang mga respondent sa hindi pagpili kina Legarda at de Castro sanhi ng magkakaibang kadahilanan. Hindi binili ng mga respondent si Legarda sapagkat babae ang papalitan at ang ideyang babae rin ang papalit ay hindi katanggap-tanggap sa sambayanang Pilipino. Samantalang ang kay de Castro ay nagmula sa kawalang interes ng brodkaster na ihayag ang kanyang pagnanais na tumakbo.

Hindi naging kataka-taka ang pangunguna ni Villar sa survey sapagkat naging malakas ang kanyang loob sa pagsasabing tatakbo sa panguluhan ng bansa. Sanhi nito ay inusig siya ng mga kapwa niya senador sa mga bintang na batid ng lahat na ginagawa rin naman ng maraming mambabatas sa kasalukuyan at sa wari ay hindi binigyang halaga ng taumbayan.

Lalong hindi na dapat pagtakahan ang pamamayagpag ni Erap sa survey sapagkat hanggang sa ngayon ay mahigit pa sa 30% ng mga botante ang may malalim na simpatiya sa dating pangulo. Ibig sabihin nito ay kung tatlo ang maglalaban sa pagka-pangulo ay malaki ang kanyang tsansa, at kung apat o lima ang maglalaban-laban ay nakasisiguro siya ng panalo.

Ito na po ang larawan ng sasapit na 2010 election, damdaming bayan na po ang nangungusap, nangalaglag na sa pangunguna ang dating nasa sa itaas na patotoo sa mga sinasabi ng mga nagmamasid na ang mga ito’y banderang kapos. (SANDY BELARMINO)

No comments: