Wednesday, July 22, 2009

PAANO KA NA VICE-MAYOR? PAANO KA NA KONSEHAL?

Sa wakas ay napagtibay na ng Sangguniang Panlunsod (SP) ang 2009 Executive Budget ng San Pablo City, subalit nagdadalawang isip ang pitak na ito kung meron bang dapat tayong ipagpasalamat, lalo nga’t ang tinatalakay na ng ibang sanggunian sa buong bansa ay supplemental budget na!

Masasabing sobra ang ginawang pang-gigipit ng SP sa ehekutibong sangay ng lunsod na ikinapilay ng mga programang ipinatutupad ng punong lunsod, na lingid sa mga konsehales na ito ay mga San Pableño ang tuwirang tinatamaan na kung hindi man ay nagdusa dahilan sa kanilang kapabayaan.

Sanhi nga sa sinadyang pagkabalam at kakapusan ng budget ay isa ang Comprehensive Indigency Assistance Program (CIAP) ni Mayor Vicente B. Amante ang sisiyap-siyap na naapektuhan. Alam nating lahat na maraming mahihirap na may malubhang karamdaman ang umaasa sa programang ito upan g makaagdon at madugtungan ang kanilang hiram na buhay. Ang tanong marahil ay ilan ang mga nangasawi sa kanila sa kadahilanan ng pagkabalam at kakapusan ng 2009 budget?!

Paano ipaliliwanag ito ng mayoryang mga Honorable Councilors na sa halip pagtibayin ang City Budget hanggang December 31, 2008 ay ngayong Hulyo, 2009, lang ito naaprubahan! Marami pa kayong dapat linawin mga kagalang-galang! Maaari po naming pagpasensyahan ang lubak-lubak o madilim na lansangan subalit hanggang sa ngayon ay palaisipan pa ang mga buhay na naligtas sana kung maaga kayong umaksyon mga giliw kong konsehal.

Lahat po kayo sa SP ay apektado dahil sa inyong kapabayaan, mula sa vice-mayor na presiding officer hanggang sa kaliit-liitang konsehal sapagkat sa ayaw at sa gusto po natin ay isa itong election issue sa darating na halalan na kinakailangan nating malampasan. Isa po itong pagpapabaya sa tungkulin.

Maaga pa lang ay inyo na itong paghandaan, subalit ano kaya ang inyong isasagot kung sa panahon ng kampanya ay may umusig sa inyo sanhi ng maagang kamatayan ng kanyang mahal sa buhay? Lubha po kayong mahihirapan sa mga sitwasyong ganito, dahil kahit ano ang inyong sabihin o kasagutan ay hindi kayo makakaasang malalagay pa sa kanyang balota.

Paano ka na vice-mayor at mga giliw kong konsehal? (SANDY BELARMINO)

No comments: