Monday, July 20, 2009

PROGRAMANG NATURAL FARMING, NASA BUONG QUEZON NA

Lucena City – Umabot na sa buong lalawigan ng Quezon ang programang natural farming, na sinimulan sa ika 2 distrito na may layuning hikayatin ang mga magsasaka sa pagtatanim ng gulay at iba pang halamang pinagkukunan ng pagkain na hindi ginagamitan ng anumang pestisidyo.

Ang programa ay sinimulan ni Congressman Proceso Alcala sa tulong ni Board Member Vicente Alcala, kapwa ng ika 2 purok ng lalawigan.

Naniniwala ang naturang kongresista na mas ligtas na pagkain ang maihahain sa mga hapag kainan sa bawat pamilyang Pilipino, sa pamamagitan ng programang ito.

Ang Natural Farming, ay isa sa mga adbokasiya ng nasabing mga opisyales, kung saan mithiin nila, na ang lahat ng mga gulay na mabibili sa Sentrong Pamilihan sa bayan ng Sariaya, o saan mang dako ng Quezon na naaabot ng programang ito, ay produkto ng Natural Farming.

Parating sinasabi ni Cong. Alcala sa kanyang mga talumpati, mithiin niyang sasabihin ng mga tao na, “Mga pagkain na galing sa Quezon ay walang lason”.

Nasisiyahan ang mga magsasaka at karamihan sa kanila ay sumang-ayon sa mga layunin at adhikain ng mga nasabing opisyales, lalong-lalo na sa kanilang nakikitang ito’y para sa kapakanan at kalusugan ng mga mamamayan. (tribune post)

No comments: