Bagama’t bukas na aklat ang kanyang talambuhay sa Lalawigan ng Laguna bilang bunsong anak ng maalamat na naging Gobernador Felicing San Luis ay may mangilan-ngilan pa ring hindi nakababatid ng maraming katangiang taglay si Cong. Edgar “Kuya Egay” S. San Luis ng ika-4 na Distrito.
Una rito ay ang pagsisikap niyang makatindig sa sariling mga paa na humubog sa iba pa niyang katangian hanggang sa kasalukuyan. Hindi naman kaila sa lahat ang ginawa ni Kuya Egay na pagtakas sa karangyaan nang magpasyang maging self-supporting sa pag-aaral.
Namuhay siya ng payak bilang isang istudyante sa Maynila, nakihalubilo bilang ordinaryong mag-aaral, nagta-trabaho upang magamit sa pagtuklas ng karunungan ganoong may pangtustos naman ang kanyang pamilya. Dito ay higit pa sa karunungan ang kanyang natamo sapagkat kaalinsabay nito ay ang pagbuo ng matibay na pundasyon na ginawa niyang tungtungan.
Sa kabila ng katotohanang ang kanyang ama ay isa sa mga pinaka-maimpluwensyang opisyal ng bansa noong mga panahong iyon ay nagsimula si Kuya Egay bilang karaniwang kawani sa kompanyang kanyang pinagtrabahuhan. At hindi siya nagkamali, gamit ang sariling pundasyong kanyang pinagsikapan ay naabot niya ang rurok ng tagumpay.
Maihahanay na si Kuya Egay sa lipun ng mga self-made man ng bansa sa ngayon, nahubog sa tamang asal, pinanday ng karanasan at pinagtibay ng paninindigan. Saksi tayong lahat sa pagtayo niya nang nag-iisa sa bawat isyung bumabalot sa bansa na tingin niya’y wasto o tumpak, at naaayon sa matibay niyang paniniwala.
Marami na ang nasulat tungkol kay Kuya Egay at lahat ng mga katangiang ito ay kayo na ang magpapatunay subalit may isa pang sa pagdaan ng panahon ay mahalagang pagtuunan natin ng pansin.
Sobrang luwag ang labanan sa pagka-gobernador ng lalawigan sa 2010, at mayorya ng mga mapagmasid ang nagsasabing si Kuya Egay ang may pinaka-malaking tsansa kung sasamantalahin ang pagkakataon. Silver platter ika nga’y gobernador na siya kung kanyang nanaisin ngunit anumang amuki ng mga political leader ay ang isinasagot lang niya’y “Ipagpaubaya natin sa Diyos ang pagpapasya”. Na lalong nagpatibay sa paniniwala ng pitak na itong hindi oportunista si Kuya Egay.
HAPPY BIRTHDAY, SIR. (nani cortez)
Saturday, July 11, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment