Friday, July 31, 2009

GOLF COURSE SA MTS. BANAHAW AT SAN CRISTOBAL, PINASINUNGALINAN NI REP. ALCALA

Lucena City - Pinabulaanan ni Quezon 2nd District Congressman Proceso Alcala ang napaulat sa lokal na pahayagan na pagtatayo ng isang golf-course sa paanan ng Mts. Banahaw at San Cristobal sanhi ng kanyang panukalang batas na ang layunin ay mabigyang proteksyon ang mga naturang bundok.

Nilinaw rin ng mambabatas na ang HB4299 ay dumaan sa masusing pag-aaral at kaukulang konsultasyon sa mga stakeholder. Katunayan aniya na ang kanyang panukala ay nagbuhat sa RA 7586 NIPAS (National Integrated Protected Area System Act of 1992) at Presidential Proclamation PP411 of 2003 ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang HB 4299 ay naiakda upang higit na mapangalagaan ang biodiversity, ecological at religious significance ng mga naturang lugar, kung kaya aniya ang titulo nito’y Mts. Banahaw and San Cristobal Protected Landscape para sa kapakinabangan ng Lalawigan ng Laguna at Quezon.

Tiniyak pa ni Alcala na sa probisyon ng HB 4299 ay isa ang mga golf course sa mahigpit na ipinagbabawal para sa nasabing lugar. Malisyoso at walang batayan ang naturang ulat dugtong pa ng kongresista.

Samantala ay nakatakdang lihaman ni DENR Protected Area Superintendent (PASu) Saludo Pangan ang Sangguniang Panlalawigan ng Laguna, partikular si Senior Board Member Karen C. Agapay upang alamin kung saan nakuha ang impormasyon na ginawang batayan ng kanyang privilege speech.

Si PASu Pangan ay miyembro ng Protected Area Management Board (PAMB) na siyang tumatayong policy and law making body ng Mts. Banahaw-San Cristobal governing board sa ilalim ng mandato ng NIPAS Act.

Aalamin rin ng PAMB ang source ng naturang ulat sa pahayagan. (sandy belarmino)

IWASAN ANG MAKURYENTE

Nakaka-intriga ang mga lumitaw na ulat hinggil sa pagtatayo ng golf course sa Mount Banahaw-Mount San Cristobal area na bahagi ng tinatawag nating National Park o isang protected area sa ilalim ng NIPAS (RA 7586, National Integrated Protected Area System Act of 1992).

Sinakyan ito ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Laguna at sa bisa ng privilege speech ni Senior Board Member Karen C. Agapay ay isa umanong resolusyon ang binuo upang ipadala sa Palasyo ng Malakanyang at mga bayan-bayan sa paligid ng mga nasabing bundok sapagkat walang public hearing na naganap ukol dito.

Ang proyekto ayon sa ulat ay kapapalooban din ng cable cars na isasakatuparan ng mga foreign investors na higit na nakapag-ngitngit sa kalooban Ng marami sapagkat tuwiran itong pagsalaula ng isang kalikasan natin saka-sakaling ang lahat ay may katotohanan. May mga pahayag ring 50 pamilya na ang pinalayas mula sa lugar, at ang batas ukol dito ay napagtibay sa loob lang ng isang araw.

Seryoso ang mga aligasyon subalit hindi kapani-paniwala sanhi sa komposisyon ng ating kongreso na ang lahat ay hindi uusad nang hindin pinagtatalunan. Ito ang kapulungang ang simpleng kuwit at tuldok ay pinagde-debatehan, na sa pagkakataong ito ay ang pagsalaula pa kaya sa kapaligiran ang kanilang payagan?

Sa advisory ng privilege speech ni SBM Agapay ay sinaliksik ng may akda ang HB 4299 at SB 2392 na nagdideklara sa Mount Banahaw at Mount San Cristobal bilang isang protected landscape. Mahigpit ang kautusang SECTION 12 ng HB 4299 na kahit ang simpelng pagdampot o pagkuha ng batong panghilod ay ipinagbabawal at may kaparusahan.

Mas mahigpit at tuwiran ang SB 2392 lalo’t higit ang approved version ng BICAM ng dalawang kapulungan sa SECTION 18-B-2 ay nililinaw na “That large-scale private infrastructure and other projects such as medium to high density residential subdivisions, medium to large commercial and industrial establishments, GOLF COURSES, heavily mechanized commercial and non-tradition farming and other activities that cause increased in-migration and resource degradation are ABSOLUTELY PROHIBITED.

Dokumento laban sa dokumento ay walang batayan ang Sangguniang Panlalawigan ng Laguna sa inilabas (o ilalabas) na resolusyon na kumukondena o kukondena sa HB 4299 at SB 2392. “Mapapaso o maku-koryente kayo dito” ayon kay Congressman Proceso Alcala ang author ng naturang panukalang batas. Ang tanong ay anong pinagbatayan ni SBM Agapay sa kanyang privilege speech?

Nagbuhat pa sa NIPAS (RA 7586 of 1992) at PP 411 0f 2003 ni PGMA ang HB 4299 kaya’t malabo ang aligasyong walang naganap na public hearing. Bilang mambabatas at abogada ay batid lahat ito ni SBM Agapay kaya;t kataka-taka ang kanyang memory gap sa pagiging selective.

Hindi pa nalalagdaan ng pangulo ng republika ang nasabing batas at wala pang bisa. Pasinungaling ito sa 50 pamilya na pinaalis sanhi ng naturang panukala. Para sa ating mga bokal, please dig deeper bago tayong lahat ay mapaso at makuryente. (SANDY BELARMINO)

PDP-LABAN, LAGANAP NA SA SOUTH LUZON

San Pablo City - Laganap na sa buong Timog Luzon ang adbokasiyang welfare state na isinusulong ng Partidong Demokratiko Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-LABAN) sa walang humpay na pagsasagawa ng Barangay Membership Seminar (BMS) sa mga lalawigan, lunsod, bayan at kanayunan ng CALABARZON (Region 4-A), MIMAROPA (Region 4-B) at Kabikulan (Region 5) sa nakalipas ng isang taon.

Napag-alamang halos lahat ng barangay at bayan sa mga nasabing rehiyon ay napagdausan na ng BMS at pawang nakapagbuo na ng konseho municipal para sa PDP-LABAN, na kinabibilangan ng mga kabataan, NGO’s at mga opisyales ng barangay, bayan at lunsod.

Sa kabila ng patuloy na paglago ay hindi pa rin nagtutugot ang liderato ng partido na binubuo nina Senador Aquilino Pimentel bilang chairman, Makati City Mayor Jejomar Binay, pangulo, at Atty. Koko Pimentel bilang secretary-general sa pagpapaabot ng suporta sa mga regional chairman upang makaabot pa ang adbokasiya sa mga malalayong barangay.

Sa pamumuno ni dating Vice-Mayor Celia Conducto-Lopez ay nagdaos ng BMS ang nasabing grupo sa mga island-town ng Quezon, Alabat at Perez sa lalawigang Quezon, kung saan nakiisa sa layunin sina Vice-Mayor Pedrito Alibasbas, Jr., Vice-Mayor Pelagio Baldovino at Perez No. 1 Councilor Randy Caparas, mga punong barangay, NGO’s at youth leaders.

Nakiisa rin ang mga senior citizen at nakapagbuo pa ng BE-NICE Movement ang mga kabataan sa mga nasabing bayan.

Mula sa inisyatiba ni Lopez ay ganap nang nabuo ang municipal council ng PDP-LABAN sa mga bayan ng Victoria, Calauan, Rizal at Nagcarlan sa ikatlong purok ng Laguna, samantalang ang konseho sa lunsod na ito ang pinaka matibay sa bansa sapagkat ito ang pinaka unang chapter ng partido sa labas ng Metro Manila na nakatayo pa sapul ng 1983.

Katulong ni Lopez sa lalawigang ito ay sina Rizal Vice Mayor Aurelio, Victoria Councilor James Rebong at Kon. Pamboy Lopez ng lunsod na ito.

Ang welfare state principle ayon kay Lopez ay kahalintulad ng pamamahala ni Mayor Binay sa Lunsod ng Makati kung saan ibinabahagi ng lunsod sa mga mamamayan ang pakinabang sa pamamagitan ng libreng edukasyon, pagpapa-ospital at iba pang benepisyo na dapat tamasain ng taumbayan.

Ito rin anya ang nasa likod kung bakit inakda ni Senador Pimentel ang Local Government Code kung saan ang lokal na pamahalaan ang nagpapasya sa kung paano pauunlarin ang pamayanan batay sa tinatanggap na Internal Revenue Allotment (IRA) na kabahagi mula sa pambansang buwis ng pamahalaan. Ipinaglaban ito ni Pimentel noong unang termino niya bilang senador upang mapalawig ang Welfare State Principle.

Bukod sa pagiging dating vice-mayor ay si Lopez ang nanunungkulang Deputy Secretary=General ng PDP-LABAN sa South Luzon. (NANI CORTEZ)

Saturday, July 25, 2009

MGA BANDERANG KAPOS, LAGLAG NA

Nagkakaroon na ng mukha ang sa kung ano ang magiging larawan ng sasapit na halalang pampanguluhan sa 2010 kaugnay sa inilabas na resulta ng pag-aaral ukol sa preference ng mga Pinoy sa ipangpapalit kay Gng. Arroyo sa Malakanyang.

Sa pananaliksik ng Social Weather Station (SWS) ay lumitaw ang pangunguna ni Senador Manny Villar na nakakuha ng 33%, patuloy na pagtaas sa rating ni Pangulong Erap na 25%, na pinangatluhan nina Senador Chiz Escudero at Mar Roxas na kapwa nakakuka ng tig 20%. Bumulusok pababa sina Senadora Loren Legarda at Vice-President Noli de Castro sa 15%.

Ibig sabihin nito ay seryoso na ang mga Pinoy sa kanilang pagnanais na mapalitan na si Gng. GloriaArroyo at ano mang balakin ng administrasyon na manatili sa kapangyarihan ay mariin nila itong tututulan. May mensahe rin ang pagbagsak ni Legarda sapagkat sumasagisag ang senadora sa kasarian ng kababaihan na hindi lubusang naiangat ni Gng. Arroyo sa hinaba ng panunungkulan.

Tuluyan na ring nawalan ng gana ang mga Pinoy sa pagpapa-cute ni Vice-President de Castro na hanggang sa ngayon ay nagpapakipot pa rin sa kung tatakbo siya bilang pangulo ng bansa. Hindi ito nagustuhan ng mga Pilipino at ano man ang dahilan ni de Castro sa pag-u-urong-sulong ay malinaw na hindi nakatulong sa kanyang kandidatura.

May katwiran ang mga respondent sa hindi pagpili kina Legarda at de Castro sanhi ng magkakaibang kadahilanan. Hindi binili ng mga respondent si Legarda sapagkat babae ang papalitan at ang ideyang babae rin ang papalit ay hindi katanggap-tanggap sa sambayanang Pilipino. Samantalang ang kay de Castro ay nagmula sa kawalang interes ng brodkaster na ihayag ang kanyang pagnanais na tumakbo.

Hindi naging kataka-taka ang pangunguna ni Villar sa survey sapagkat naging malakas ang kanyang loob sa pagsasabing tatakbo sa panguluhan ng bansa. Sanhi nito ay inusig siya ng mga kapwa niya senador sa mga bintang na batid ng lahat na ginagawa rin naman ng maraming mambabatas sa kasalukuyan at sa wari ay hindi binigyang halaga ng taumbayan.

Lalong hindi na dapat pagtakahan ang pamamayagpag ni Erap sa survey sapagkat hanggang sa ngayon ay mahigit pa sa 30% ng mga botante ang may malalim na simpatiya sa dating pangulo. Ibig sabihin nito ay kung tatlo ang maglalaban sa pagka-pangulo ay malaki ang kanyang tsansa, at kung apat o lima ang maglalaban-laban ay nakasisiguro siya ng panalo.

Ito na po ang larawan ng sasapit na 2010 election, damdaming bayan na po ang nangungusap, nangalaglag na sa pangunguna ang dating nasa sa itaas na patotoo sa mga sinasabi ng mga nagmamasid na ang mga ito’y banderang kapos. (SANDY BELARMINO)

MIAMI HEAT COACH IS A FILIPINO-AMERICAN

The present head coach of Miami Heat, a professional basketball team based in Miami, Florida, Erik Jon Celino Spoelstra, is a Filipino-American. Born on November 1, 1970 in Evanston, Illinois, his father is Irish-Dutch Jon Spoelstra, a long-time NBA executive involved with the Portland Trail Blazers, Denver Nuggets and New Jersey Nets, her mother is former Elisa G. Celino of Barangay VI-A (Mavenida) in San Pablo City or a Lagunense

According to Dr. Leandro Celino Dimayuga, his San Pablo City-based cousin, Erik, is published in various websites that Erik Spoelstra is the first Asian Filipino-American head coach in the National Basketball Association, as well as the first Asian/Filipino American head coach of any North American Professional Sports Team. He is currently the youngest head coach in the NBA, a conference of 30 professional teams.

Website reports added that Erik grew up in Portland, Oregon, where he graduated from Jesuit High School in 1988, and from the University of Portland in 1992 As a high school player, he is third all-time in assists (488), tied for third in three-pointers made (156), and sixth in both three-point percentage (384) and free throw percentage (824).

He will be visiting the Philippines soon with his team for a series of exhibition games, but his hectic schedule may not make a visit to his mother’s homecity possible. (Ruben E. Taningco-Seven Lakes Press Corps)

Wednesday, July 22, 2009

PAANO KA NA VICE-MAYOR? PAANO KA NA KONSEHAL?

Sa wakas ay napagtibay na ng Sangguniang Panlunsod (SP) ang 2009 Executive Budget ng San Pablo City, subalit nagdadalawang isip ang pitak na ito kung meron bang dapat tayong ipagpasalamat, lalo nga’t ang tinatalakay na ng ibang sanggunian sa buong bansa ay supplemental budget na!

Masasabing sobra ang ginawang pang-gigipit ng SP sa ehekutibong sangay ng lunsod na ikinapilay ng mga programang ipinatutupad ng punong lunsod, na lingid sa mga konsehales na ito ay mga San Pableño ang tuwirang tinatamaan na kung hindi man ay nagdusa dahilan sa kanilang kapabayaan.

Sanhi nga sa sinadyang pagkabalam at kakapusan ng budget ay isa ang Comprehensive Indigency Assistance Program (CIAP) ni Mayor Vicente B. Amante ang sisiyap-siyap na naapektuhan. Alam nating lahat na maraming mahihirap na may malubhang karamdaman ang umaasa sa programang ito upan g makaagdon at madugtungan ang kanilang hiram na buhay. Ang tanong marahil ay ilan ang mga nangasawi sa kanila sa kadahilanan ng pagkabalam at kakapusan ng 2009 budget?!

Paano ipaliliwanag ito ng mayoryang mga Honorable Councilors na sa halip pagtibayin ang City Budget hanggang December 31, 2008 ay ngayong Hulyo, 2009, lang ito naaprubahan! Marami pa kayong dapat linawin mga kagalang-galang! Maaari po naming pagpasensyahan ang lubak-lubak o madilim na lansangan subalit hanggang sa ngayon ay palaisipan pa ang mga buhay na naligtas sana kung maaga kayong umaksyon mga giliw kong konsehal.

Lahat po kayo sa SP ay apektado dahil sa inyong kapabayaan, mula sa vice-mayor na presiding officer hanggang sa kaliit-liitang konsehal sapagkat sa ayaw at sa gusto po natin ay isa itong election issue sa darating na halalan na kinakailangan nating malampasan. Isa po itong pagpapabaya sa tungkulin.

Maaga pa lang ay inyo na itong paghandaan, subalit ano kaya ang inyong isasagot kung sa panahon ng kampanya ay may umusig sa inyo sanhi ng maagang kamatayan ng kanyang mahal sa buhay? Lubha po kayong mahihirapan sa mga sitwasyong ganito, dahil kahit ano ang inyong sabihin o kasagutan ay hindi kayo makakaasang malalagay pa sa kanyang balota.

Paano ka na vice-mayor at mga giliw kong konsehal? (SANDY BELARMINO)

PROGRAMANG LUPA PARA SA MGA WALANG LUPA NI REP. ARAGO

Victoria, Laguna - Nakatakdang ipamahagi sa limampung (50) kwalipikadong pamilya ang mga lote sa Danbuville, Brgy. San Francisco bayang ito bilang bahagi ng programa ng pamahalaan para sa mga kapuspalad na mga mamamayan.

Ang proyektong Danbuville ay naisakatuparan sa pamamagitan ni 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago at sa ginawa niyang pakikipag-ugnayan sa National Housing Authority (NHA).

Magugunitang tinustusan ito ng naturang ahensya ng pabahay ng P997,500.00 sa ilalim ng programang lupa para sa mga walang lupa ng gobyerno.

Ayon kay Gemma Ignacio tagapangulo ng Danbuville Homeowner Association ay mas napadali ang pag-a-award sa kanila ng mga nasabing lote sapul nang si Rep. Arago ang nakipag-negosasyon sa NHA, at ngayon ay halos abot tanaw na nila ang matagal na nilang pinapangarap na lupang tirikan ng bahay.

Napag-alaman buhat kay Kalihim Boy Aquino na tumatayong coordinator at consultant ng proyekto na idadaan sa raffle ang naturang lote sa lahat ng kwalipikadong pamilya upang maging patas sa pagbabahagi ng lokasyon.

Tiniyak ni Aquino na ang lahat ay may loteng nakalaan. Nabatid pa kay Aquino na si Rep. Arago rin ang nagsaayos ng right of way at pagpapasemento ng bagong pamayanan.

Sa kasalukuyan ay isinasayos pa ng mambabatas sa NHA ang panibagong 91 lote ng Masville para sa mga benepisyaryo ng Brgy. Masapang, upang makasigurong abot kaya ang magiging buwanang hulog sa nasabing ahensya. (Seven Lakes Press Corps)

BRIG. GEN. JORGE V. SEGOVIA, 2ND ID COMMANDER

Brig. Gen. Jorge Valbuena Segovia formally assumed the post of Commander of the 2nd Infantry (Jungle Fighters) Division of the Philippine Army based at Camp Mateo Capinpin vice Brig. Gen. Florante B. Martinez, Acting Commander, last Thursday afternoon,July 23, 2009, at the camp parade ground in Barangay Sampaloc in Tanay, Rizal.

The turn-over ceremonies was presided by Lt. Gen. Delfin N. Bangit, Commanding General of the Philippine Army.

The 2nd Infantry Division, nicknamed Jungle Fighters, was formally put into active duty on February 1, 1970 with headquaters housed in Camp Vicente Lim in Canlubang, Calamba City, then it was moved to Barangsy Sampaloc in Tanay, Rizal.

The present headquarters, Camp General Mateo Capinpin, was named after Brigadier General Mateo M Capinpin, the gallant soldier of the 21st Infantry Division who rose from the ranks during World War II. It is strategically located at the foothills of the scenic Sierra Madre Mountain Range with an elevation of 1,400 feet above sea level and 70 kilometers just east of Manila.

Brigadier General Jorge Valbuena Segovia is the 26th Commander of the 2nd Infantry (Jungle Fighters) Division, which is composed of the 201st Infantry (Kabalikat) Brigade; 202nd Infantry (Unifier) Brigade; and 204th Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade. And the Battalion units that are 1st Infantry Battalion; 4th Infantry (Get 'Em) Battalion; 16th Infantry (Maglilingkod) Battalion; 59th Infantry (Protector) Battalion; 68th Infantry Battalion; 74th Infantry (Matatag) Battalion; 76th Infantry (Victrix) Battalion; and 80th Infantry (Raging Tamarraw) Battalion. (RET/SEVEN LAKES PRESS CORPS)

Tuesday, July 21, 2009

BEST DISTRICT JAIL OF THE YEAR

Nasa larawan si BJMP San Pablo City District Jail Warden J/Sr. Insp. Arvin T. Abastillas (5th L-R sitting) kasama ang kanyang mga tauhan matapos na itanghal ang mga ito bilang mga nangungunang opisyales at kawani ng kagawaran sa pangangalaga at pagsasaayos ng karapatan at kapakanan ng mga nakapiit na mga bilanggo sa panig na ito ng bansa. (SANDY BELARMINO)

BOTANTE RIN KAMI!!!







Noong nakaraang Hulyo 20, 2009 simula ika 9 ng umaga hanggang ika 6 ng hapon ay 114 inmates ng BJMP’s San Pablo City District Jail ang nagpatala bilang mga botante sa tanggapan ng COMELEC na matatagpuan sa ikalwang palapag ng San Pablo Old Capitol Building. Ito’y bilang pag-alinsunod sa itinatadhana ng Sec. 6 and Sec. 7 ng COMELEC Resolution No. 8514 na pinagtibay noong Nov. 12, 2008. Sa ilalim ng pamumuno ni BJMP Region 4A Director J/S Supt.Norvel Mingoa at San Pablo City District Jail Warden J/Senior Insp. Arvin T. Abastillas ay pantay-pantay na karapatang pang-tao ang ipinatutupad ng piitang ito na itinanghal na Outstanding and Best District Jail of the Year 2009. (SANDY BELARMINO)

Monday, July 20, 2009

OPLAN SAGLIT, SAGIP BATANG YAGIT ng Candelaria MPS

Candelaria, Quezon - Masusing ipinatutupad na ng Municipal Police Station (MPS) ng bayang ito ang Oplan Saglit, Sagip Batang Yagit upang masagip ang mga batang pakalat-kalat sa mga lansangan laban sa mga masasamang elemento ng lipunan.

Ayon kay P/Supt Renato Alba, hepe ng kapulisan dito ay ginawa nilang bahagi ng naturang adbokasiya sa kanilang isinusulong na Barangay Visitation Program upang mabawasan ang street children sa mga lansangan nang sa ganoon aniya ay magawan ng paraan na mapabalik ang mga ito sa kani-kanilang tahanan.

Nakapaloob sa naturang adbokasiya ang pagdampot sa mga street children , pag-iimbistiga sa kung saan ang pinanggalingan at sino ang mga magulang upang maibalik sa barangay na nakasasakop sa mga ito.

Pinag-aaralan rin ng Candelaria MPS ayon kay SP02 Myrcelia Ladiana ng womens desk kung may kakayanan ang mga magulang ng mga batang yagit na sila’y papag-aralin. At kung hindi kaya ngunit gusto ng batang mag-aral ay kanila itong sinusuportahan.

Pangunahing ibinibigay ng Candelaria MPS sa mga batang yagit ay ang damit, pagkain at gamit pang eskwelahan. Tinuturuan din ang mga batang ito ng wastong asal at maging masunurin. (tribune post)

PROGRAMANG NATURAL FARMING, NASA BUONG QUEZON NA

Lucena City – Umabot na sa buong lalawigan ng Quezon ang programang natural farming, na sinimulan sa ika 2 distrito na may layuning hikayatin ang mga magsasaka sa pagtatanim ng gulay at iba pang halamang pinagkukunan ng pagkain na hindi ginagamitan ng anumang pestisidyo.

Ang programa ay sinimulan ni Congressman Proceso Alcala sa tulong ni Board Member Vicente Alcala, kapwa ng ika 2 purok ng lalawigan.

Naniniwala ang naturang kongresista na mas ligtas na pagkain ang maihahain sa mga hapag kainan sa bawat pamilyang Pilipino, sa pamamagitan ng programang ito.

Ang Natural Farming, ay isa sa mga adbokasiya ng nasabing mga opisyales, kung saan mithiin nila, na ang lahat ng mga gulay na mabibili sa Sentrong Pamilihan sa bayan ng Sariaya, o saan mang dako ng Quezon na naaabot ng programang ito, ay produkto ng Natural Farming.

Parating sinasabi ni Cong. Alcala sa kanyang mga talumpati, mithiin niyang sasabihin ng mga tao na, “Mga pagkain na galing sa Quezon ay walang lason”.

Nasisiyahan ang mga magsasaka at karamihan sa kanila ay sumang-ayon sa mga layunin at adhikain ng mga nasabing opisyales, lalong-lalo na sa kanilang nakikitang ito’y para sa kapakanan at kalusugan ng mga mamamayan. (tribune post)

DPWH DISTRICT ENGINEERS REPORT ACHIEVEMENTS

Lucena City - The District Engineers from the Provinces of Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon (CALABARZON) reported their individual achievements and status of their ongoing projects during the Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 4A staff meeting held here recently.

It was presided by DPWH Region 4A Director Bonifacio Seguit, along with senior officials of the region, who appraised the individual performances of each district to make sure the strict compliance of the projects are met.

Among those with remarkable achievements were Quezon 1st District DE Alfredo Penamonte, 2nd district Engr. Celestial Flancia and ADE Ato Alcala, 3rd District DE Rogelio Rejano and ADE Marcelito Ferrer; 4th District DE Ronnel Tan and ADE Buddy Salvaria; while in Laguna were 1st District DE Roberto Bernardo and ADE Joel Limpengco; 3rd District DE Ike Concepcion and ADE Pol de los Santos and 4th District DE Manuel Alejo, Jr. and ADE Theodore Llantos. District Engineers from Batangas, Cavite and Rizal were also present during the meeting. (TRIBUNE POST)

Saturday, July 18, 2009

BAKIT LLAMADO SI AMANTE

Kasabihan sa madyungan na nakalalamang sa panalo ang tinatawag na standing waiting o iyong may puro na sa umpisa pa lamang ng laro, na walang talo na maituturing huwag lamang may manggugulong balsibeng lasing.

Ganito rin sa larangan ng pulitika, na kita mo na kung sino ang llamado o mas nakalalamang hindi pa man nasisimulan ang takbo ng kampanya. Humigit kumulang aay kwentado na ng bayan na walang mahigpitang magaganap na paglalaban. Walang excitement ika nga ng mga nagmamasid.

Sobrang kasiyahan naman ang nararamdaman ng mga nasa panig ng natatampok na llamado sapagkat nangangahulugan ito na hindi sila masyadong mapapagod sa kampanya at paglilibot upang mangumbinsi pa ng karagdagang botante. May captive ng botante ang mga ito buhat sa mga mamamayang tapat nilang napaglingkuran.

Nabibilang si San Pablo City Mayor Vicente B. Amante sa hanay ng mga llamado’t nakalalamang sa pagka-alkalde ng lunsod. Ito ay batay sa mga naipatupad, ipinatutupad at isinusulong na mga programa na ramdam ng mayoryang San Pableño. Ang mga naalalayan ng punong lunsod ang pinaka-mabigat at epektibong lider sa pulitika sa kasalukuyan ni Amante.

Ang mga bagong sibol na lider pulitikang ito ang pinakamabisang kalasag ni Mayor Amante sa ngayong. Napakahirap nilang makilala, ni mamukhaan sapagkat hndi naman sila nagpapakilala, ngunit gumagalaw upang ikampanya ang alkalde. Mahigpit nilang hinahawakang ang kanilang pamilya, patuloy ng bumubulong sa mga kaanak at umaakay sa mga kabarangay sa panig ni Amante.

Maaaring makumbinsi ng mga kaibayo ang mangilan-ngilang tradisyunal na lider sa pulitika ni Amante, subalit ang bagong sibol na ito ang masasabing lubha silang mahihirapan. Una nga ay hindi sila nagpapakilalang lider, bukod pa sa nakatanim sa kanilang mga puso na sa panahon ng kanilang pangangailangan ay nandoon ang alkalde upang umalalay.

Humigit kumulang ay ganito ang magiging larawan ng halalan sa pagka-alkalde. At ito rin ang gigiya sa takbo ng kampanya, na ngayon ay pumapador sa llamado. (SANDY BELARMINO)

CITY VET

Ang nasa larawan ay sina (standing L-R) ELIZER ALIMON, Dr. DENNIS H. BECINA, JUN CARANDANG, Dr. ROMMIR GESMUNDO, & DANTE MARALIT; sitting (L-R) LUCILLE MAGTIBAY, Dr. FARA JAYNE C. ORSOLINO (City Veterinarian), MIRRIAM GESMUNDO, & CHERRY ALMARIO ng San Pablo City Veterinarian Office (CVO). Ang CVO ay tahimik subalit epektibong naipapatupad ang kanilang tungkulin upang mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga alagang hayop. Sila rin ang ating tagabantay sa mga ipinagbibiling karne ng hayop sa ating pamilihang bayan. Tinitiyak ng tanggapang ito na malinis at ligtas kainin ang mga mabibiling karne kaalinsabay ng pagbibigay ng libreng kaalaman sa tamang pangangalaga ng mga hayop at marami pang iba na may kaugnayan sa kanilang gawain. (SANDY BELARMINO-vp-7LPC)

Thursday, July 16, 2009

HAPPY 1ST BIRTHDAY GERARD!!!

Ang nasa larawan ay si GERARD F. PANGANIBAN na magdiriwang ng kanyang unang kaarawan ng kapanganakan sa isang linggo. Ang birthday celebrant na si Gerard II ay anak ng mag-asawang Gerard at Aimee Panganiban at apo nina Lolo Greg at Lola Heidi mula sa Pamilya Panganiban at Lolo Paul at Lola Mel mula sa Pamilya Feliciano. Bumabati rin ng isang “Happy Birthday” ang kanyang Tito Father Joshua Panganiban at titas Charie at Pinky. (SB-seven lakes press corps)

Wednesday, July 15, 2009

CITY HOSPITAL, MABUBUKSAN NA

SAN PABLO CITY – Sa flag ceremony noong Lunes ng umaga, ay pinasalamatan ni Alkalde Vicente B. Amante ang Sangguniang Panglunsod dahil sa ginawa nitong pagpapatibay sa Proposed Annual Budget for Calendar Year 2009 noong nakaraang Biyernes ng umaga, Hulyo 3, 2009, na magbibigay-daan upang makapagtalaga na ng mga kinakailangang tauhan upang mabuksan ang San Pablo City General Hospital na ipinatayo ng pangasiwaang lokal sa Barangay San Jose (Malamig).

Sang-ayon sa alituntuning ipinatutupad ng Department of Health, kinakailangang magtalaga ng sapat na bilang ng manggagamot, narses, at iba pang kinakailangang tauhan na magdo-duty ng three sifting o tuloy-tuloy sa loob ng 24 oras.
Para mabuksan, kinakailangang magtatalaga ng hindi kukulangin sa 24 registered nurse, anim (6) na resident physician, tatlong medical technologist, at iba pang mga para medical professionals, na ang pagtatalaga nito ay nakatakda sa pinagtibay na proposed budget paliwanag ni Alkalde Amante.

Sapagka’t ang budget ay kinakailangang pagtibayin o repasuhin ng Sangguniang Panglalawigan, umaasa ang pununglunsod na ang ospital ay mabubuksan pagsapit pa ng 4th quarter ng taong kasalukuyan.

Samantala, sa kanyang talumpati, ay pinapurihan ni Alkalde Vicente B. Amante ang City Population and Nutrition Office na pinamamahalaan ni City Population Officer Victoriano Mercado dahilan sa gampanin nitong maipaunawa ang mga palatuntunang pangtao sa mga kanayunan, tulad ng pagsusulong ng mga makabuluihang nutrition program, at pakikipagtulungan sa City Health Office at City Social Welfare and Development Office sa pagpapatupad ng mga palatuntunang magtataas sa kalalagayan ng tao. (Ruben E. Taningco-Sec. Gen. SLPC)

PAGLALAHAD NG KANDIDATURA, PARA SA MAY 10, 2010 NATIONAL AND LOCAL ELECTIONS

Pag-alinsunod sa tadhana ng Resolution No. 8646 na pinagtibay ng Commission on Elections noong nakaraang Martes, Hulyo 14, 2009, na nagtatakda ng Calendar of Activities kaugnay ng nalalapit na May 10, 2010 National and Local Elections, ang panahon para sa paglalahad ng kandidatura o Filing of Certificate of Candidacy para sa lahat ng mga magsisipaghangad ng tungkulin ay sa Nobyembre 20 - 30, 2009 o sa loob lamang ng 11 araw.

Ang campaign period para sa mga magsisipaghangad ng national positions, tulad ng pagka-Pangulo at pagka-Senador ay mula sa Pebrero 8 hanggang Mayo 8, 2010; samantala ang para sa local positions, tulad ng pagka-Gobernador, pagka-Kongresista, pagka-Bokal; pagka-Alkalde; at pagka-Konsehal, ay mula Marso 26 hanggang Mayo 8, 2010.

Sinasabi sa Resolution No. 8646 na ang Election Period, o panahon ng mga kabawalan, tulad pagbabawal na magdala ng lisensyadong baril na walang kapahintulutan mula sa Komisyon sa Halalan, at paglilipat ng mga kawani ng pamahalaan, ay mula sa Enero 10, 2010 hanggang Hunyo 9, 2010.

Samantala, sa isang kahiwalay na pahayag, nabanggit ni COMELEC Spokesman James Jimenez na ang huling araw para sa pagpapatala ng bagong botante, o paghiling na malipat sa ibang presintong bobotohan, o paghiling na mabago at maituwid ang mga impormasyon ukol sa isang botante sa kanyang Voter’s Registration Records ay sa Oktubre 31, 2009. Ito ay wala ng magiging palugit pa o extension. (Ruben E. Taningco)

TERORISMO, HINDI ISANG OPTION

Nagdulot ng malaking alalahanin sa taumbayan ang mga pagsabog na nagaganap sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na kumikitil ng buhay sa mga inosenteng mamamayan bukod pa sa mga maraming malubhang nasusugatan sanhi ng mga nasabing insidente.

Ikinababahala ng bawat pinoy ang katampalasanang ito na hanggang sa ngayon ay hindi pa lubusang matukoy ng mga may kapangyarihan ang tunay na may kagagawan, subalit sino man sila ay anong interes ang kanilang ipinaglalaban at isa itong maka-terorismong gawain.

Wala itong puwang sa lipunang ating ginagalawan sapagkat sa bawat pagsabog na kanilang gawin ay maling mensahe ang kanilang naipapaabot na nasasagap ng taumbayan. Lumalayo ang damdaming bayan sa mga grupong ito na nagpapahina lalo sa kanilang naisin.

Sa labas ng AFP ay dalawa o tatlo lamang grupo ang may kakayanang magbuo ng bombang pampasabog at nagtataglay ng lakas ng loob upang tuluyan itong pasabugin sa ikapagtatagumpay ng kanilang layunin. NAKAPANGINGILABOT!

Naisasagawa nila ito nang walang pakundangan sa buhay ng kanilang kapwa sapagkat ang higit nilang pinahahalagahan ay ang halina ng kapangyarihan. Ito ang pinakamahalaga sa kanila makapalit man ang mga walang muwang na nangangabuwal.

Para sa kanila ay isa itong pamamaraan upang mapadali ang tagumpay, ngunit ano ang uri nito at ano ang kulay? Magkaganoon man ay hindi nila ito iniisip sapagkat ang trono ng kapangyarihan ang pangunahin nilang pinagtutuunan ng pansin bukod pa sa mataas na kilatis na tinataglay ng paligid ng korona.

Samakatuwid ay wala silang ipinag-iba sa ating mga tradisyunal na pulitiko na ang sandata ay gun, goons and gold upang manatili sa kapangyarihan, samakatuwid ay hindi sila isang option na mapagpipilian at samakatuwid ay hindi sila matibay na pader na maaaring sandalan ng sambayanan. (nani cortez)

ALAMAT NG POTAMS (TAMPO)

Kamakailan lang natuklasan ng mga dalubhasa ang paglitaw sa hanay ng mga katutubong tribo ang kakaibang grupo na hindi mo mawari kung ano ang pinagmulan.

Wala sila sa mga aklat ng karunungan sapagkat dagli ang kanilang paglitaw sa mundong ibabaw. Sila yaong ang mga katangian ay nakalilito na kadalasa’y hindi mo maintindihan, dahil ang kanilang lahi ay parang pinaghalo-halong kalamay, walang definite na kaanyuan ganoon din ang kustumbre lalo’t higit ay walang matibay na paninindigan.

Nananatiling palaisipan sa mga sociologist ang alamat ng potams (TAMPO) na hindi nila malaman kung saang bahagi nila sisimulan ang pag-aaral sapagkat ang kanilang lahi ay batbat ng hiwaga dahilan nga sa pgtataglay ng weird na kaisipan.

Ang tribo ng potams ay nasa ating paligid lamang, walang nakababatid kung kailan at saan lilitaw. Sila ay nalilikha sa pilit na pagsasawsaw ng maling katwiran sa programa ng isang lingkod bayan. Sila yaong ang taste buds kapag kasundo mo ay laging sweet sabihin mang ampalaya ang nasa hapag kainan, subalit nagiging bitter kapag hindi napagbigyan ang kagustuhan hayinan mo man ng leche plan.

Sa inisyal na pag-aaral ay napag-alamang ang potams ay nananalig sa prinsipyong “I”, “ME”, “MY”, always good ang tingin sa sarili, na wala nang mas huhusay pa sa kanila sa pagtatampok ng pansariling interes. Ito ay sapagkat sa tuwina, ang nais nila’y pansariling kapakanan.

Isa pang mapagkikilanlan sa tribo ng potams ay ang pang-angkop na paaring “ I want this, I want that”, “It’s me, it’s mine” at “All mine”. Ang kahapon para sa kanila ay lumipas na at ang bukas ay baka hindi na dumating pa sapagkat para sa mga potams ay ang kasalukuyan sa lahat ang pinakamahalaga.

Subsob noo pa ang mga dalubhasa sa pananaliksik upang mabatid ang totoong pinagmulan ng potams batay sa masalimuot na alamat. Nakatuon sila ngayon sa natuklasang tindig na potams na “Hind pwede ang pwede na at ang pwede na’y hindi pwede” sapagkat ito raw ang magbubukas sa hiwaga ng kanilang alamat. (SANDY BELARMINO)

Saturday, July 11, 2009

HAPPY BIRTHDAY PO, CONG. EGAY

Bagama’t bukas na aklat ang kanyang talambuhay sa Lalawigan ng Laguna bilang bunsong anak ng maalamat na naging Gobernador Felicing San Luis ay may mangilan-ngilan pa ring hindi nakababatid ng maraming katangiang taglay si Cong. Edgar “Kuya Egay” S. San Luis ng ika-4 na Distrito.

Una rito ay ang pagsisikap niyang makatindig sa sariling mga paa na humubog sa iba pa niyang katangian hanggang sa kasalukuyan. Hindi naman kaila sa lahat ang ginawa ni Kuya Egay na pagtakas sa karangyaan nang magpasyang maging self-supporting sa pag-aaral.

Namuhay siya ng payak bilang isang istudyante sa Maynila, nakihalubilo bilang ordinaryong mag-aaral, nagta-trabaho upang magamit sa pagtuklas ng karunungan ganoong may pangtustos naman ang kanyang pamilya. Dito ay higit pa sa karunungan ang kanyang natamo sapagkat kaalinsabay nito ay ang pagbuo ng matibay na pundasyon na ginawa niyang tungtungan.

Sa kabila ng katotohanang ang kanyang ama ay isa sa mga pinaka-maimpluwensyang opisyal ng bansa noong mga panahong iyon ay nagsimula si Kuya Egay bilang karaniwang kawani sa kompanyang kanyang pinagtrabahuhan. At hindi siya nagkamali, gamit ang sariling pundasyong kanyang pinagsikapan ay naabot niya ang rurok ng tagumpay.

Maihahanay na si Kuya Egay sa lipun ng mga self-made man ng bansa sa ngayon, nahubog sa tamang asal, pinanday ng karanasan at pinagtibay ng paninindigan. Saksi tayong lahat sa pagtayo niya nang nag-iisa sa bawat isyung bumabalot sa bansa na tingin niya’y wasto o tumpak, at naaayon sa matibay niyang paniniwala.

Marami na ang nasulat tungkol kay Kuya Egay at lahat ng mga katangiang ito ay kayo na ang magpapatunay subalit may isa pang sa pagdaan ng panahon ay mahalagang pagtuunan natin ng pansin.

Sobrang luwag ang labanan sa pagka-gobernador ng lalawigan sa 2010, at mayorya ng mga mapagmasid ang nagsasabing si Kuya Egay ang may pinaka-malaking tsansa kung sasamantalahin ang pagkakataon. Silver platter ika nga’y gobernador na siya kung kanyang nanaisin ngunit anumang amuki ng mga political leader ay ang isinasagot lang niya’y “Ipagpaubaya natin sa Diyos ang pagpapasya”. Na lalong nagpatibay sa paniniwala ng pitak na itong hindi oportunista si Kuya Egay.

HAPPY BIRTHDAY, SIR. (nani cortez)

Thursday, July 9, 2009

ANGIE YANG, SIMBOLO NG PAGKAKAISA

Saksi sina Mayor Vicente B. Amante, City Administrator Loreto “Amben” Amante, dating City Administrator Atty. Hizon A, Arago, representing Congresswoman Ma. Evita Arago, mga opisyal ng PDSP at ilang kaanak ay nanumpa na bilang kahaliling konsehal ng napaslang na San Pablo City Councilor Danny Yang ang kanyang kabiyak na si Angie Yang noong Lunes kay Laguna Governor Teresita “Ningning” Lazaro.

Ang panunumpa ni Gng. Yang bilang lingkod bayan marahil ay na patotoo sa kanyang pangako na ipagpapatuloy ang naiwang gawain ng yumaong asawa, na sa kabila ng idinulot na dalamhati sa kanyang pamilya sanhi ng naganap na karahasan ay hindi matalikuran ang tungkuling iniwan ni D.Y..

Sa panunumpang ito ni Konsehala Angie ay dalawang katauhan ang dapat niyang bigyang pansin – ang pagtupad bilang single parent para sa kanyang mga anak at bilang ina sa kanyang mga constituents na kapwa may kabigatan lalo pa nga’t malaki ang inaasahan ng mga ito sa mga pangarap na iniwan ni D.Y..

Matatag na tinanggap ni Konsehala Angie ang habilin ng kabiyak para sa pantay na pagkalinga ng pamahalaan sa lahat, kung kaya’t nagpasiyang pangunahan ang pag-abot sa mga pangarap na ito at sa tulong ng mga naniniwala sa ipinaglalabang ito ni D.Y. ayon sa konsehala ay katiyakan para sa katuparan.

Walang gatol ang pag-ako ni Konsehala Angie sa mga tungkuling iniwan ni D.Y.. “Itutuloy ko po ang laban ni D.Y.”. subalit hindi niya kaya ito ng nag-iisa, kailangan niya ang pag-alalay ng lahat. Mas marami ang tutulong ay mas makagagaang sa gawain tungo sa mga adhikain ng yumaong konsehal.

Dapat nating tandaan na ang bawat banal na naisin ukol sa bayan ay maisasakatuparan lamang kung ang lahat ay magtutulong-tulong. Hindi dapat iasa kay Angie ang lahat sapagkat lubhang napakabigat ng gawain. Tulungan natin siya para sa kagyat at dagliang katuparan. Gawin natin si Angie na simbolo ng pagkakaisa. (SANDY BELARMINO)

TULOY ANG LABAN

Si Angie Yang (ika-apat mula sa kaliwa) habang nanunumpa sa katungkulan bilang konsehal ng Lunsod ng San Pablo. Si Angie ang magpapatuloy sa natitirang termino ng yumao niyang asawa na si Danilo “D.Y.” Yang. Si Gobernadora Teresita “Ningning” Lazaro ang namahala sa panunumpa ni Konsehala Angie samantalang nakamasid sina Atty. Hizon A. Arago, City Administrator Loreto “Amben” Amante, Laguna First Gentleman Angelito “Ito” Lazaro at San Pablo City Mayor Vicente B. Amante. (SANDY BELARMINO)

SAN PABLO, NAGWAGI SA DISTRICT JAIL OF THE YEAR AWARD


Kinilala ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga natatanging performance ng iba’t-ibang unit sa ilalim ng kagawaran kaugnay sa pagdaraos ng kanilang ika-18 taon ng pagkakatatag na sinaksihan ni Executive Secretary Eduardo Ermita kamakailan.

Nakamit ng San Pablo District Jail sa ilalim ng pamumuno ni J/S Insp. Arvin Abastillas ang District Jail of the Year Award, at ng Dasmariñas Municipal Jail ang Municipal Jail of the Year Award, na kapwa nasa pangangasiwa ni BJMP Region 4A J/S Supt. Norvel Mingoa.

Samantala ay nagwagi rin sa iba pang kategorya ang mga sumusunod: BJMP Region VII – Region of the Year; Bohol Provincial Office, Provincial Office of the Year, Navotas City Jail BJMP NCR, City Jail of the Year at Cebu City Jail Female Dormitory BJMP RD-VII, Female Dormitory of the Year.

Sa individual award ay nagwagi rin si J/C Insp. Ma. Annie Espinosa bilang Municipal Jail Warden of the Year.

Ayon kay Jail Director Rosendo M. Dial ay nagwagi ang San Pablo District Jail dahil sa pagsisikap ni Abastillas na makaangkop sa makabagong pangangailangan ng piitan.

Mayroon aniya itong CCTV camera na nagmomonitor sa bawat galaw sa loob at bakuran ng bilangguan. Bukod dito ay mayroon din itong mga medical equiptment para sa kalusugan ng mga inmates at mga kagawad na sumusunod sa ipinatutupad na disiplina ng BJMP.

Si Sec. Ermita ang nag-gawad ng award sa mga nagwaging tanggapan ng BJMP sa buong bansa.(SANDY BELARMINO)


Monday, July 6, 2009

MGA KABABAIHAN NG SAN PABLO ROTARY CENTRAL NAGSAGAWA NG MGA MAKABULUHANG PROYEKTO











Ang Rotary Club Central ng Lunsod ng San Pablo sa pangunguna ni Rotarian President Dra. Adoracion Alava ay kamakailan ay nagsagawa ng pagdodonasyon ng iba't-ibang klaseng gamot sa Panglalawigan Pagamutan ng Lalawigan (PPL) sa Lunsod ng San Pablo. Kaalinsabay nito'y nagtungo rin ang naturang grupo sa Brgy. Concepcion Elementary School upang ipamahagi sa naturang paaralan ang mga libreng aklat at tsinelas para sa mga maralitang mag-aaral doon. Bukod dito ay nagkaloob din ng libreng gupit, feeding program at story telling ang Rotary Club Central na lubos na pinasalamatan ng pamunuan ng nabanggit na paaralan pati na rin ng Sanggunian Barangay ng Concepcion sa pamumuno ni Chairman Apo Concordia.

DUGTONG BUHAY IPINAGKALOOB NG SAN JOSE







Nasa larawan ang isinagawang pagdodonasyon ng dugo ng mga residente ng Brgy. San Jose (Malamig) kamakailan. Sa pakikiisa ng samahang KANAYON na pinamumunuan nina G. Rod Guia at Gng. Elsa F. Zagada, RedCross San Pablo City Chapter, City Health Office na kinatawan ni Dra. Lucy Celino at ng buong Sangguniang Barangay sa pangunguna ni Brgy. Chairman and ABC Pres. Gener B. Amante ay ang proyektong ito'y naging matagumpay matapos makunan ng dugo ang humigit kumulang na 50 boluntaryong residente ng naturang barangay.

PITONG LAWA NAIS PANGASIWAAN NG MGA SAN PABLEÑO

Isang samahan ang binubuo upang papag-isahin sa tanging layunin ang aspeto ng turismo, kalikasan at kabuhayan na may kinalaman sa pitong lawa ng lunsod na ito.

Batay sa paunang ulat ng magpulong-pulong ang lahat ng Non-Government Organization (NGO’s) sa pagtatayo ng matibay na konseho na ang ipaglalaban ay kapakanan ng mga San Pableño.

Sa ngayong ay maraming NGO dito na may mga magkakahiwalay na adbokasiya ukol sa mga lawa na bagama’t hindi pa lubusang nagkakaisa ay pawang naninindigang ang susi upang mapangalagaan ang mga ito ay mapabalik sa hurisdiksyon ng pamahalaang lunsod ang pitong lawa.

Panahon na anila na mabawi ng mga San Pableño ang pangangasiwa sa pitong lawa sapagkat higit kanino man ay batid ng mga ito kung ano ang tunay na pagmamalasakit.

Sa panayam kay City Adminstrator Loreto “Amben” Amante ay kanyang pinagtutuunan ng pansin ang House Bill 02662 ni Congresswoman Maria Evita Arago na magbabalik karapatan sa lunsod upang pagpasyahan kung anong ikabubuti ng mga lawa sakaling maihiwalay ito sa Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Maingat na pinag-aaralan ng Committee on Local Government ang naturang bill ni Arago sapagkat ito ang kauna-unahang panukala sa kamara tungkol sa pagnanais ng pamahalaang lokal na makahiwalay sa LLDA, na posibleng lumikha ng precedent sa ibang lalawigan na may kaparehong kalagayan.

Samantala ay hinikayat ni Mayor Vicente B. Amante ang kanyang mga constituents na lumiham sa nasabing komitiba ng kongreso upang mapagtibay na ito sa committee level nang sa ganoon aniya ay mapadali ang pagsasabatas nito.

Sa isang banda, ay dalawang panukalang batas na ni Rep. Arago ang napagtibay na ng kongreso, ang Integrated Medical Organization Act of 2007 at Anti-Theft and Robbery of Portable Telecommunication Devices Act of 2008, ang kasalukuyang tinatalakay na sa Senado. (SANDY BELARMINO)

TULOY ANG LABAN NI D.Y.

Isang deklarasyon ang katumbas ng slogan at sinabi ni Angie Yang, biyuda ni BM Danny Yang, na TULOY ANG LABAN NI D.Y. na tila naman katanggap-tanggap sa maraming mamamayan ng San Pablo. Walang katiyakan kung ang ibig sabihin ng biyuda ay ipagpapatuloy ang ginagawang pagtulong ni D.Y. sa mga nangangailangan bilang isang pribadong mamamayan o bilang isang lingkod bayan na lalaot sa larangan ng pulitika.

Kung sakali man ang huli ang ibig sabihin ni Angi ay isang tagpo ang magaganap kung saan magpapabago ng takbo ng pulitika sa lunsod na ito. Ang tanong lang marahil ay gaano kalayo sa mga bakas ni D.Y. ang kanyang hakbangan at kung paano niya isasagawa ito.

Una marahil niyang hakbang na dapat gawin ay ang ma-appoint na kapalit ni D.Y. bilang konsehal. Hindi natin alam kung may sasagabal dito sapagkat kadalasang ang miyembro ng kinabibilangang partido ng nasawi ang pumapalit. Ngunit sa panig ng PDSP ay sa tingin natin ay wala namang tututol, batay na rin sa suporta nila sa pamilya at alang-alang sa legasiyang iniwan ni Yang.

May dapat pang tawirin si Angie kapag naitalaga bilang konsehal. Ang una ay babawiin ba niya ang tungkuling iniwan ni D.Y. bilang pangulo ng Philippine Councilors League sa lalawigan at pagka-board member o bokal. Sa ating pagkakaalam ay hindi basta ito nalilipat sapagkat ang vice-president ng liga ang otomatikong pumapalit sa pangulo sakali mang wala itong kakayanang manungkulan.

Ang una ring dapat nating mabatid ay bakante ang pwesto ng pangalawang-pangulo ng liga sanhi diumano na una na itong nag-resign sa di malamang kadahilanan. At hindi rin natin alam kung ano ang isinasaad ng kanilang by-laws hinggil dito. O baka naman ang pagdating ni Angie sa PCL ang kalutasan sa gusot kung meron man?

Higit sa lahat ay magagawa kayang punan ni Angie ang katayuan ni D.Y. bilang kandidato sa pagka bise-alkalde ng San Pablo? Batay sa pag-aaral ay may natipon na si D.Y. na 45% bilang ng botante bago ang kanyang malagim na kamatayan na ibig lang sabihin ay panalo na si D.Y kung 80% lang ng mga botante ang boboto pagsapit ng halalan.

Sabagay ay maaaring kayanin ito lahat ni Angie dahil sa simpatiya ng taumbayan kay D.Y., ang tanong lang ulit marahil ay gaano kabilis si Angie na makaaangkop sa ikli ng panahon? (SANDY BELARMINO)

Wednesday, July 1, 2009

REBOLUSYON, ILULUNSAD NG PDSP

San Pablo City - Maglulunsad ng isang mapayapang rebulusyon ang Partido Demokratikong Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) at naghayag na hindi sasama kanino mang kandidato sa pagka-pangulo sa darating na halalan.

Isa ito sa buod ng sinabi ni National Security Adviser Norberto Gonzales sa idinaos na necrological service patungkol at alay sa napaslang na PDSP Secretary-General na si Laguna PCL President Danny Yang noong araw ng Linggo. Dumalaw sa lamay ni Yang ang kalihim bilang punong tagapagpaganap ng PDSP.

Nanawagan pa ang kalihim na huwag payagang manaig ang pwersa ng pulitika kung saan ang mga mahirap ay lalong naghihirap at walang pagbabagong nakakamit ang bansa. Ito ang dahilan ayon pa kay Gonzales kaya;t ang mga mahihirap ay walang pagkakataon sa mga pambansang posisyon.

Kaugnay sa nangyari kay Yang at dalawa nitong kasama ay nangako itong papanagutin sa batas hindi lamang ang mga salarin kung hindi pati na ang utak sa nangyaring karahasan. Hindi dapat itong mangyari ayon pa sa kalihim.

“Bakit namatay si Danny?” ang tanong ni Gonzales.

Tuwirang sinagot ng kalihim ang katanungang ito’y sapagkat maigting na isinusulong ng bokal ang paniniwala at gawaing karapat-dapat ayon sa prinsipyo ng demokrasya.

Dito ay tinukoy niyang ang mga nagnanais magpapatay sa pangulo ng republika ang siya ring pumatay kay Yang. Bahagi aniya ito ng dahas na gusto nilang mamayani dugtong pa ng kalihim.

Sa pagtatapos ni Gonzales ay pinayuhan niya ang maybahay nang yumaong bokal na si Angie Yang na tumindig at gumawa ng sariling laban.(NANI CORTEZ)

ANGIE YANG, ITUTULOY ANG LABAN NI D.Y.

Itutuloy ng maybahay ng napaslang na bokal na si Danny Yang ang labang nasimulan ng asawa na nauntol sanhi ng maaga nitong pagyao.

Ito ang tinuran ni Gng. Angie Yang sa talumpating binigkas sa raling kumukondena sa marahas na pagpaslang kina D.Y., Ex-Chairman Manolo Barcenas at Brando de los Santos na ginanap kanina sa liwasang bayan.

Buong tatag itong sinabi ni Angie sa harap ng humigit kumulang na tatlong libong dumalo sa naturang rally na binubuo ng mga kaibigan ng pamilya buhat sa ibat-ibang sektor ng lipunan, mga kababayang natulungan at mga San Pableñong mahigpit na naniniwala sa ipinaglalaban ng yumaong bokal.

Malakas na sigawan ang itinugon ng lahat ng sumaksi sa pagtitipon lalo na ng ipagtapat ni Angie na hanggang sa mga sandaling iyon sa kabila ng dalang dalamhati ay hindi pa siya nakakaluha dahil aniya sa maraming umaasa sa yumao niyang kabiyak, na marahil ay nagbigay lakas loob upang masabi ang bagay na iyon.

Sabagay ay batid naman ni Angie kung ano ang gawain ng mga nasa pulitika dahil kadalasang kapiling siya ng kabiyak sa pagharap sa mga nagiging panauhin nila sa kanilang tahanan. Dito humigit kumulang ay may ideya na siya kung paano ang pakikipag kapuwa-tao.

Ang tanong lang marahil ay otomatikong sasama ba sa kanya ang lahat ng supporter ni D.Y., subalit batay naman sa pagtanggap ng mga naroroon sa kanyang inihayag ay masasabing positibo ang katugunan? Nangangahulugan ito na sang-ayon sila na isabalikat ni Angie ang mabigat na adhikaing maiiwan ni D.Y..

Saka-sakali ay muling magkakatotoo na paulit-ulit lang ang kasaysayan. Nangyari na ito sa Olongapo nang paslangin si Mayor James Gordon noon at maluklok ang kanyang may-bahay na si Amelia bilang alkalde sa sumunod na eleksyon. Ganun din nang masawi sa helicopter crash si Sen. Gaudencio Antonino, na hinalinhan ng asawang si Sen. Magnolia Antonino.

At pinakahuli ay ang pagkapaslang kay Sen. Benigno Aquino kung saan si President Cory ang naging pambato ng oposisyon sa halalan. Inako na ni Angie ang iniwang responsibilidad ni D.Y., ito na kaya ang muling pagbabalik sa kasaysayan? (Nani Cortez)