San Pablo City - Mas naging aktibo ang United Pastors Council (UPC) sa pagsusulong ng kagalingang pambayan nang pagtibayin ng Sangguniang Panlunsod (SP) dito ang pagkilala sa naturang samahan bilang isang NGO (Non-Government Organization) ilang linggo na ang nakararaan.
Ang UPC ay bukluran ng mga pastor at ebanghelista sa Lalawigan ng Laguna, na bukod sa pangangaral ng ebanghelyo ay sangkot din sa mga gawaing sibiko.
Sa Resolusyon Blg. 2008-323 na pinagtibay ng SP ay naging ganap ang pagkilala sa UPC bilang isang NGO, na kasing kahulugan ng pagkakaroon nito ng juridical personality. Ang panukala ay inakda nina Kon. Pol Colago, Chad Pavico at Gel Adriano.
Ayon kay Pastor Rico Albanio, pangulo ng UPC, ay itinuturing nilang isang hamon ang naturang recognition ng SP upang higit pang pag-ibayuhin ang pagtulong sa mga kababayan.
Bago rito ay buong kasiglahan nang pinangungunahan ng UPC ang lahat ng panalanging bayan tulad ng Blessing the City, National Bible Week Celebration at pagtataguyod ng mga programang cultural at mga sibikong gawain sa lunsod at mga karatig bayan. (Seven Lakes Press Corps)
Thursday, September 11, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment