Tuesday, September 2, 2008

CARD MRI - MAKABULUHANG KONSEPTO

Sa kwento ng buhay ng mga nangagtagumpay sa iba’t-ibang larangan ng mga pinagdaanang pgpupunyagi bago maabot ang rurok at ibang bagay pang nagiging sagwil upang maging mailap ito, ay sa kasaysayan lang ng CARD MRI (Center for Agriculture and Rural Development Mutually Reinforcing Institution) ang isa sa mga nakapagpatindig ng aking balahibo habang sinusulat.

Hindi dahil ito ay kwento na nagmula sa Lunsod ng San Pablo kundi dahil ang naturang kasaysayan ay kayang ilahad ninuman at higit sa lahat ay maaaring gawin ng pangkaraniwang tao. Ang human interest factor ay kabilang sa karaniwan at ang human appeal ay nakahanay sa true to life.

Simple pa ito sa buhay ng mga tao sa kanayunan sapagkat ang pinagdaanan ng CARD MRI ay mas payak sa istorya ni Juan habang hinihintay ang pagbagsak ng bayabas gayong maaari naman siyang tumayo at pitasin na lamang ito nang hindi naghihintay.

Dito rin nagmula ang pag-inog ng CARD MRI. Nakita ng mga nagbalangkas nito ang problema, abot tanaw nila ang solusyon at sila na mismo ang kasagutan. Ang panahon ng paghihintay para kina Dr. Jaime Aristotle B. Alip, Dolores M. Torres at Lorenza T. Bañez ay isang bahagi ng kabuuan na mistulang kabagot-bagot. At lalong kainip-inip pa ang hintayin ang sabayang pagkilos ng mga mamamayan, ganoon ang iasa ang alam mo na sa pamahalaan.

Ninais nila na magtanim subalit walang binhing maihasik, nais nilang labanan ang kahirapan ngunit sila ma’y salat din ang lukbutan, at pinangarap nilang makatulong datapwa’t may sagad ang hangganan. Hindi nangamba ang mga nangagtatag ng CARD MRI sapagkat may taglay silang sandata – isang konsepto na batid na ng karamihan na naghihintay lang na may kumilos.

Gamit ang panimulang phuhunang bente (20) pesos ay nabalangkas nila ang CARD MRI noong 1986. mas bumigat ang kinaharap na pagsubok na pinatindi ng kakulangan sa puhunan, ngunit kapag buo ang determinasyong dala ng paniniwalang nandoon ang kasagutan ay susuungin ang lahat ng hirap upang magtagumpay.

Sa isang pambihirang pagkakataon ay kinailangang maglakbay sa labas ng bansa si Dr. Alip para sa pondong kailangan. Nakipagtalastasan siya sa isang NGO upang maisakatuparan ng CARD MRI ang kanilang proyekto. Kinailangang manatili siya doon ng ilang araw ngunit palibhasa’y pilit tinitipid ang karampot na baong salapi ay nagbabalik siya sa airport pagsapit ng gabi upang doon palipasin ang magdamag.

Hinangaan siya ng kanyang mga kausap at pinagpag-check-in sa isang hotel. Nakita ng mga banyaga ang kanyang angking katangian sanhi nito, na kaya niyang pangalagaan ang pondong ipinagkakaloob sa kanyang konsepto at dito nagsimula ang lahat, naging susi upang ang CARD MRI ay maging tagapagligtas ng mga ginang ng tahanan laban sa kahirapan.

Tulad ng temang bayanihan na mahalaga ang bawat sangkap ay naipamalas ng CARD MRI ang malasakit sa kanilang kasapi. Nagkakatulong sila sa pananagutan sa paraang ang utang ng isa ay alalahanin ng lahat at ang lahat ay nararapat pagtuunan ng pansin ang suliranin ng bawat isa. Bukod sa natutugunang bayarin sa inutang ay natuto pang mag-impok ang bawat kasapi.

Tumugma ang istratehiya sa konsepto at mula noon ay hindi na naawat ang CARD MRI sa pag-unlad. Ngayon ay meron na silang 770,000 kasapi sa buong kapuluan, 3 milyong maralitang Pilipino na naka-insured, 629 sangay sa mga istratehikong lugar ng bansa kung saan laganap ang kahirapan, 3,400 kawani na karamihan ay anak ng mga miyembro na nakikinabang sa binhing inihasik.

Higit sa lahat ay may network itong 5.5 Bilyong Piso na bunga ng isang makabuluhang konsepto. (SANDY BELARMINO)

No comments: