Thursday, September 18, 2008

SPCGH BINISITA NG SPCMS

Si Mayor Vicente B. Amante (Left) habang iginigiya at ipinapakita kay San Pablo City Medical Society President Dr. Dionisio Gutierrez (Right) at mga kasamahan ang kabuuan ng San Pablo City General Hospital. (Sandy Belarmino)

San Pablo City – Sa pangunguna ni Dr. Dionisio Gutierrez. Pangulo ng San Pablo City Medical Society (SPCMS) ay sama-samang binisita ng mga miyembro at opisyales ng naturang asosasyon ang papatapos nang gusali ng San Pablo City General Hospital (SPCGH).

Noong nakaraang linggo ay ang SPCMS ang naging punong namahala sa flag raising ceremony ng lokal na pamahalaan kung saan ay nag-ulat ang samahan ng mga doctor sa kanilang mga isinusulong na proyekto at programang ipagkakagaling ng pamayanan.

Sa paanyaya ni Punong Lunsod Vicente B. Amante ay agad na nagtungo ang mga taga SPCMS sa Brgy. San Jose upang personal nilang makita ang halos patapos nang gusali ng SPCGH.

Iisa ang ipinahayag ng mga doctor na bumisita sa naturang ospital: “na ito’y magiging napakalaking tulong sa mga kababayang San Pableño na nagkakasakit at nangangailangan ng serbisyong pang-medikal at hospitalisasyon, idagdag pa ang magiging kaluwagan sa mga maralitang mamamayan na hindi kayanin ang gastusin sa mga pribadong pagamutan”.

Sa panig ni Mayor Vicente B. Amante ay nanawagan ang alkalde ng malaking ambag tulong sa nabanggit na samahan upang ang mga ito’y makabalikat sa pagpapaunlad at pagpapatakbo ng kauna-unahang ospital na pamamahalaan ng kanyang administrasyon.

“Ano man ang ganda at kumpletong kagamitan meron ang ospital na ating itinatayo, kung wala naman ang malaking maiaambag na serbisyong publiko ng ating mga doctor ay hindi ito makakapagdulot ng inaasam nating magandang paglilingkuran. Kung kaya’t lubos ang ating pasasalamat sa pangakong pakikiisa ng San Pablo City Medical Society at ng kanilang pangulo, Dr. Dionisio Gutierrez, at ng iba pang samahan lalo’t higit ang Philippine Medical Association (Southern Tagalog Chapter) sa pamumuno ni PMA Governor Dr. Eman Loyola” pahayag ni Amante. (CIO/Jonathan Aningalan/Ito Bigueras)




No comments: