Isa sa magandang halimbawa ng ulirang ugnayan ng pamayanan ay ang pagkakaisa ng taumbayan sa bawat gawaing isinusulong ng buong komunidad, na tulad ng sa bayan ng Los Baños. Idaraos nila sa Miyerkules Septembre 17 ang Bañamos Festival, anibersaryo ng kanilang pagkakatatag.
Sa pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan sa pamamagitan ni Mayor Caesar Perez, Tourism Council Chair Sherill Quintana, mga barangal official kasama ang mga karaniwang mamamayan, mga samahang sibiko at mga NGO kabilang na ang Los Baños Science Community Foundation, Inc. (LBSCFI) ay nakatitiyak nang tagumpay ang sasapit na 7th Bañamos Festival katulad ng mga nagdaang anim na pagdiriwang.
Nasimulan ang Bañamos Festival noong 2002 sa pagsisikap ni Dr. Francisco F. Peñalba, propesor ng UPLB, bilang pangulo ng Tourism Council. Nakalikha ito ng community spirit tungo sa iisang layunin na nagpatuloy hanggang kasalukuyan.
Nang nakaraang Hulyo, sa pagsusulong ng UPLB at LBSCFI ay nairaos ang kauna-unahang SyenSaya Los Baños Science Festival na ang adhikain ay ang mapasigla ang pagkilos ng taumbayan sa daigdig ng siyensiya. Ang tagumpay nito ay dahil na rin sa mga mabuting halimbawa ng pagkakaisa, na pinagkunan nila ng lakas at inspirasyon.
Ang Los Baños na naging bayan, buhat sa dating baryo ng Bay, ay natatag dahil sa diwa ng pagkakaisa. Bahagi ng kanyang kasaysayan ang nagsasaad ng unawaan at pagkakasundo ng mga misyunaryong Augustinian at Franciscan. Mahirap itong saliksikin sapagkat tila namang palaisipan ang mga bagay na ito dahil noong panahon yaon ay mahigpit ang tunggalian ng mga religious order sa paghahasik ng ebanghelyo.
Nananatiling palaisipan ito hanggang ngayon subalit ang nangyaring pagkakapagbuklod ng mga misyunaryong nabanggit ay nag-iwan sa mga alaala ng mga taga Los Baños ng isang kapuri-puring halimbawa at ito’y ang pagkakaisa.
Mas tumibay pa ito sa pamumuno ni Mayor Caesar Perez sa pakikiisa ng UPLB, IRRI, sampu ng mga ahensiyang kasapi sa LBSCFI at mga mamamayang nagmamahal sa katahimikan at sa kalikasan.
Nag-aanyaya si Mayor Perez na saksihan natin ang Bañamos Festival, simula Miyerkules hanggang Linggo. Mga panauhing pandangal sina Pagcor Chairman Ephraim Genuino, Vice-President Noli de Castro, Senator Ramon “Bong” Revilla at mga kilalang personalidad sa academe at sa entertainment field.(NANI CORTEZ)
Monday, September 15, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment