Tuesday, September 23, 2008

MUNISIPYO, ITATAYO NG BAYANIHAN

Nasaksihan ng marami ang pagbubukas ng Bañamos Festival noong nakalipas na Miyerkules. Sa isang civic parade na nilahukan ng lahat ng barangay ng Los Baños, mga NGO at mga samahang sibiko ay lubhang naging kagila-gilalas ang bilang ng sumama sa naturang parade.

Nagsimula sa Olivarez Commercial Center at nagdaan sa kahabaan ng National Highway, ang parada ay tinatayang lampas pa sa limang kilometro ang haba na ngayon lang nasaksihan ng pitak na ito sa mga ginagawang pestibal sa buong Calabarzon.

Iisa ang naging obserbasyon ng pitak na ito, na ang isang bagay kapag pinagtulung-tulungan, kapag nagkaisa ang taumbayan sa pagbabayanihan ay walang puwang ang kabiguan at nakatitiyak na ang mananaig ay tagumpay.

Team spirit ang naging dahilan kung kaya’t patuloy na dinudumog ang Bañamos Festival. Ang lahat mula sa local na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Caesar Perez, mga barangay official, ang Science Community at karaniwang mamamayan ay may kani-kanilang papel na ginagampanan sapul ng ito’y magsimula pitong taon na ang nakararaan.

Idinaraos ito taon-taon kasabay ng pagdiriwang ng Foundation day ng Los Baños, na ngayo’y pang ika-393 taon na simula nang matatag. Maraming panukala ang inahain noong ito’y binabalangkas pa lamang noong 2001. iba’t-ibang pangalan ang pinagtalunan, kabilang na ang Buko Pie Festival subalit maraming lugar na ang nagtataglay na ng produktong ito kaya’t hindi tuluyang napagkasunduan ng Tourism Council.

Ang ideya ng Bañamos Festival ay nagbuhat kay Professor Roberto Cereno ng UP College of Forestry na ang ibig sabihin ay “Maligo Tayo” sanhi na rin ng masaganang hot spring na matatagpuan sa nasabing bayan. Naging kakaiba ang panuka ng propesor kung kaya’t sinang-ayunan ng tourism council, Mayor Perez at buong Sangguniang Bayan.

Masasabing nakahikayat ang kasiglahang ito ng taumbayan. Sa hinaharap ay modernong bahay pamahalaan ang nakatakdang itayo na mayroong humigit kumulang na 1,500 metro kuadradong floor space. Magandang balita ito sa mga taga Los Baños sapagkat nagbunga na ang ipinunla nilang halimbawa.

Ang bagong Municipal Building ay itatayo sa pamamagitan ng bayanihan at pagkakaisa, na ang gugulin ay magmumula kina PAGCOR Chairman Ephraim Genuino, Senator Bong Revilla, Gov. Teresita Lazaro, Congressman Timmy Chipeco at sa marami pang nagmamahal sa bayan ng Los Baños. (nani cortez)

No comments: