Sa malao’t madali ay magsisimula nang maglingkod ang San Pablo City General Hospital (SPCGH) na sa ating pagtantiya’y pinakamatagal na ang unang quarter ng susunod na taon. Wala naming nangangarap na San Pableño na maging pasyente sa isang pagamutan, subalit magkaminsan sa panahon na ang ating kalusugan ay nagdaraan sa mga pagsubok na ang ospital na ito ay may handog na kasagutan.
Ang katugunang ito ang sanhi upang ito ay matayo na dahil sa mga kahilingan at daing ng mas nakararaming mamamayan ng lunsod kung kaya nga’t pinagsikapan ng local na pamahalaan na ito ay maipundar. Sa likod nito ay nakatatak ang misyon at pananaw ng mga kinauukulan na ibayo pang mapaglingkuran ang mga mahihirap na kababayan.
Ngunit hindi ganoong naging kadali sapagkat kahit nagdaan sa tamang proseso ay umabot pa sa hukuman sa pagnanasa ng mga lukotoy na ito ay mapigilan. Lahat ng paraan ay kanilang ginawa upang huwag itong matuloy at salamat na lamang na hindi sila nagtagumpay.
Ala eh, may aral tayong natutunan sa pangyayaring ito. Na ang isang bagay kapag banal ang layunin ay nararapat na ipaglaban sapagkat sa bandang huli ay ang mananaig ay ang kapakanan ng mas nakararami. Hindi birong mga batikos ang tinanggap ni Mayor Vicente B. Amante nang ito’y binabalak pa lamang buhat sa kanyang mga kritiko na walang humpay sa pag-atake ngunit ngunit kinalauna’y tumigil din sapagkat napansing umiirap na ang taumbayan.
Nakapag-inspeksyon na ang maraming manggagamot sa patapos ng SPCGH at ang ilan sa kanila’y nagpahayag na ng kahandaang maglingkod sa sambayanang San Pableño. Bagama’t hindi naman tahasang libre ang kanilang serbisyo ay sa abot ng ating pagkakaalam ay lubha namang mas mababa sa mga sinisingil sa mga pribadong pagamutan.
Ano pa’t kapag tuluyan nang mabubuksan sa susunod na taon ang SPCGH ay malaking kaginhawahan ito sa mga San Pableño at mga karatig bayan.
Nararanasan na ng marami nating kababayan na kahit kailangng magpa-admit sa pagamutan ay nagpapabalik-balik sa paghahanap ng ibang ospital sapagkat hindi kayang i-accommodate ng Panlalawigang Pagamutan ng Laguna sanhi ng sobrang dami ng pasyente. Ang tagpong ito ay malapit nang malunasan at ito nga ay sa pamamagitan ng SPCGH.(sandy belarmino)
Friday, September 19, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment