Thursday, September 25, 2008

KARAGDAGANG HANAPBUHAY, DAAN SA PAGKAKATAON

Ramdam ang kasiglahan sa lahat ng barangay ng lunsod sa napipintong pagbubukas ng Expression at Puregold sapagka’t daan-daang empleyado at manggagawa ang nakatakda nilang kalapin, kung saan 70% sa mga tatanggapin sa gawain ay mga San Pableño.

Malaki itong pagkakataon sa mga naghahanap ng trabaho sa kasalukuyan dahil kung saka-sakali ay hindi na sila kailangan pang umalis dito sa San Pablo. Nangangahulugan itong katipiran kung ihahambing sa ilan nating kababayan na nasa malayo naghahanapbuhay.

Tipid ika nga sa pamasahe, sa boarding house o sa iba pang gastusin. Bukod dito ay maiiwasan nila ang lungkot na malayo sa pamilya, sapagkat sa oras ng awasan ay makakauwi sila sa sarili nilang tahanan.

Una sa mga makikinabang dito ay ang kabataan partikular ang mga katatapos lang ng pag-aaral, sa kolehiyo man o sa high school. Sa mga college graduates ay baka ito na ang katuparan ng kanilang pangarap at sa mga high school graduate ay baka ito ang magsilbing daan upang maipagpatuloy ang kanilang adhikaing makapagtapos ng kolehiyo sa pamamaraang self-supporting sa pagtuklas ng karunungan.

Ang karagdagang hanapbuhay na dala ng Expression at Puregold ay nakatitiyak na makapagpapasigla sa galaw ng ekonomiya ng lunsod. May direkta itong epekto sa kalakalan sapagkat ang kikitain ng ating mga kababayan ay tutungo ang malaking bahagdan sa ating pamilihang bayan.

Dalangin ng pitak na ito na sana’y magsilbi itong simula ng pagdagsa ng mga hanapbuhay sa San Pablo para naman sa kapakinabangan ng mga maliliit nating kababayan. Maging maunawain sana ang ating mga homegrown na negosyante na ang panahon ay nagbabago at tanging pagbabago lamang ang kinakailangan upang makaagapay sa hinihingi ng pagkakataon.

Ano pa’t nagpapasalamat ang pitak na ito sa Punong Lunsod, kay Mayor Vicente B. Amante, sa pagtitimbang-timbang ng mga bagay-bagay at sa pag-iisip ng mga pamamaraan upang ang kanyang mga nasasakupan ay matulungan lalo na sa aspetong pangkabuhayan. (sandy belarmino)

No comments: