Friday, September 26, 2008

HIRING NG PUREGOLD AT EXPRESSIONS, DINAGSA

San Pablo City - Dinagsa ng libo-libong aplikante ang isinasagawang jobs hiring ng Puregold Corporation at ng Expressions Stationary Shop Inc. na kasalukuyang nagtatayo at nagpapalawak ng kanilang sangay sa lunsod na ito.

Sa pakikiisa ni Mayor Vicente B. Amante at ng Public Employment Services Office (PESO) sa ilalim ng pamumuno ni PESO Manager City Administrator Loreto “Amben” Amante ay nitong nakaraang linggo ay isinagawa nang naturang dalawang kompanya ang mga pakikipanayam at pagsusulit sa mga kukuning manggagawa at empleyado.

Nagsilbing hiring center ang Pamana Hall at ABC Bldg., na kapwa nasa San Pablo City Hall Compound upang ang mga aplikanteng ang karamihan ay buhat sa lunsod na ito ay mabilis at maayos na mapagsilbihan ng mga taga-PESO.

Ayon kay PESO Manager and City Administrator Amben Amante: “Ang pangyayaring ito ay ang umpisa ng pagdating ng mga malalaking mamumuhunan sa ating lunsod sapagkat maaaring nakikita na ng mga ito ang mga potensyal at katangian ng San Pablo sa mabilis na paglago’t pag-unlad ng kalakalan at pamumuhunan. Kaya naman ay lubos-lubos ang aming pasasalamat sa Puregold Corporation at sa Expressions Stationary Shop Inc., sa kanilang pagtitiwala sa pamunuan ni Mayor Vicente B. Amante at sa kalakhang mamamayan ng Lunsod”.

Sa pagtatapos ni Admin Amben Amante ay binanggit din nito ang isang malaking Jobs Fair na gaganapin sa Oktubre 24, Pamana Hall, San Pablo City Hall Compound, kung saan ay handog din ng lokal na pamahalaan para sa mga taga San Pablo na naghahanap ng pirmihang hanapbuhay. Para sa higit pang kabatiran ay maaaring magsadya sa Tanggapan ng PESO sa 3rd floor ng 8-Storey Bldg. o dili kaya’y tumawag sa landline nos. 562-3086; 562-5743 at 800-0197. (CIO/SPC-Gerry Flores)

No comments: