Monday, September 15, 2008

BAÑAMOS FESTIVAL 2008 NG LOS BAÑOS

Los Baños, Laguna - Bubuksan sa pamamagitan ng civic parade ang Bañamos Festival kaalinsabay ng ika-393 taong pagkakatatag ng bayang ito sa darating na Miyerkules Setyembre 17 hanggang Setyembre 21.

Panauhing pandangal sa naturang pagtitipon sina Vice-President Noli de Castro, Senator Ramon “Bong” Revilla at Pagcor Chairman Epharaim Genuino sa programang hudyat ng simula ng naturang festival.

Sa pangunguna ni Mayor Caesar Perez, ang limang araw na kasayahan ay katatampukan ng singing and dancing contest, Battle of the Bands, games carnival, Miss Los Baños beauty pageant, trade fair at iba’t-ibang paligsahan.

Tinatawag na Mainit noong baryo pa lamang ng Bay, ang Los Baños ay nabantog dahil sa mga hot spring na pinagyaman ng mga misyunaryong Augustinian at Franciscan hanggang gawing bayan noong Sepyembre 17, 1615.

Pinagdarayo ang bayang ito dahil sa healing power ng mga nasabing hot spring noon at ngayon.

Bilang host ng University of the Philippines, International Rice Research Institute (IRRI) at marami pang institusyong nasa larangan ng pananaliksik ay nadeklara itong the Science and Nature City of the Philippines dulot na rin sa mga isinasagawang pangangalaga sa kapaligiran partikular sa nakapaligid na kagubatan.

Ang pagdiriwang ay sama-samang itinataguyod ng mga nakabaseng NGO dito, mga samahang sibiko sa tulong ng lokal na pamahalaan at ng buong komunidad. (NANI CORTEZ)

No comments: