Calauan, Laguna - Mahaharap sa posibleng suspension at maaaring humantong sa pagsibak sa kanilang tungkulin ang dalawang guro ng Dayap National High School (DNHS) Mabacan Annex makaraang ireklamo ng mga mag-aaral at kani-kanilang mga magulang ng pagmamalupit sa loob ng classroom ng naturang paaralan.
Ang kalupitan ng mga gurong sina Corazon Bernardino at isang Ms. Pesigan batay sa mga nilagdaang salaysay ng mga mag-aaral ay kinapapalooban ng physical at mental torture, hindi makatwirang paninigil sa bayaring ipinag-uutos ng DepEd at iba pang pagmamalabis na lumalabag sa tadhanain ng batas ukol sa karapatang pambata.
Inaakusahan din sina Bernardino at Pesigan ng pag-gamit ng foul language sa mga mag-aaral tulad ng name calling sa mga ito ng “may toyo” at “hayop”.
Depende sa mood ay diumano’y pinahahalik sa blackboard ng mga gurong ito ang kanilang mga istudyante upang burahin ang sulat chalk dito, may nakahandang tabo ng tubig upang ipangbasa, pinagsusulat ang mga nakukursunadahang mag-aaral sa ilalim ng init ng araw at itinutulak papalabas ang mga kinagagalitan sa labas ng silid aralan.
Ayon sa reklamo ng mga magulang ay natatakot nang pumasok sa klase ang kanilang mga anak at laging idinadahilan ay ang kalupitan ng kanilang titser. Ang dalawang guro din anila ang nagpapasya sa pagda-drop sa klase ng mga mag-aaral kahit sa munting pagkakamali, na hindi man lamang isinasangguni sa mga magulang.
Kung mapapatunayan ang paratang ay posibleng masampahan ng kasong criminal sina Bernardino at Pesigan sapagkat ang usapin ay nasasaklaw ng Child’s Human Right Law na may parusang pagkabilanggo. Sinisiyasat na ng DepEd ang usapin.
Hindi nagpaunlak ang dalawang guro na makapanayam ng pahayagang ito nang personal na puntahan ang mga ito sa naturang paaralan upang hingin ang kanilang panig. (Sandy Belarmino)
Tuesday, September 23, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment