San Pablo City - Tinalakay ng Child Abuse Prevention and Intervention Network (CAPIN) ang karapatang pambata at tadhanain ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 (RA9208) sa isinagawang two-day convention na nagwakas kahapon sa lunsod na ito.
Kinatawan ni Administrator Loreto “Amben” Amante si City Mayor Vicente B. Amante sa naturang kombensyon bilang chairman ng CAPIN, na pinangunahan ng Office of Social Welfre and Development (OSWD), Philippine National Police (PNP-San Pablo), Open Heart Foundation at mga miyembrong barangay chairmen ng lunsod.
Sa talakayan ay nagkaroon ng oryentasyon ukol sa Children’s Rights at RA 9208 kung saan tinukoy ang perspektibong legal at tungkuling dapat gampanan ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Binalangkas din sa nasabing kombensyon ang estratihiya upang ganap na maiwasang malabag ang karapatang pambata at mga paraan upang maparusahan ang mga lalabag dito.
Napagkasunduan sa pagtatapos ng pagpupulong ang mga paraan kung paano tutulungan ang mga batang biktima at paano papawiin sa isip ang kalupitang kanilang sinapit.
Naging punong abala si OSWD Officer Grace Adap, Sasa Adajar, Myla Estrada at Rhoda Bondad. Kumatawan sa PNP si Inspector Rolando Libed, at sina Fe Realon at Derrick Zonio sa Open Heart Foundation.
Sa panig ng mga Barangay Chairmen ay nakiisa rin sina Chairman Daniel Asejo ng Sta. Monica at Pablito Atienza ng Bagong Pook at mga kagawad ng iba’t-ibang barangay ng lunsod na ito. (NANI CORTEZ)
Tuesday, September 9, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment