San Pablo City – Isang malawakang Mobile Passporting Service ang nakatakdang ganapin ng Dept. of Foreign Affairs (DFA) sa Siesta Residencia de Arago, lunsod na ito sa pagtataguyod ni Congresswoman Ma. Evita “Ivy” R. Arago at sa pakikipagtulungan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa darating na Agosto 21, 2008.
Ang naturang proyekto ay nakagawiang isinasagawa ni Rep. Arago bilang alalay sa kanyang mga kababayang nagnanais magtrabaho sa ibayong dagat sa layuning mabigyan ng pagkakataon at kaluwagang makatipid ang mga ito, bukod pa sa katiyakang genuine ang passport na kanilang pinanghahawakan sa pagtungo sa ibang bansa kumpara sa uri ng pinadaan lamang sa ahensya.
Katulong ng mambabatas sa proyekto ang Office of the City Mayor Vicente B. Amante, mga tanggapan sa ilalim nito tulad ng Local Civil Registrar, Public Employment Services Offfice (PESO), City Admin Amben S. Amante at City Information Office, samantalang National Bureau of Investigation (NBI) at Commission on Election (COMELEC) ang buhat sa mga pambansang tanggapan.
Inaasahang sasamantalahin ng mga taga tercera distrito ang pagkakataong ito katulad ng mga nauna nang mobile passporting ni Cong. Arago kung saan ay mahigit 700 na ang napagkalooban ng passport. Ang mobile passporting service ay bahagi sa mga nakapaloob na adbokasiya ng IVY for the People, ang tanggapang nag-aaral at umaalam sa mga pangangailangan ng taumbayan sa ikatlong purok ng lalawigan.
Pinapayuhan ang mga kukuha ng passport na siguruhing kumpleto at wasto ang mga dokumentong ihaharap sa mga taga-DFA upang maiwasan ang suliraning maaaring idulot nito. Para sa higit na kabatiran ay magsadya sa tanggapan ni Cong. Arago sa dako ng Doña Leonila Park, Lunsod na ito o kayay tumawag sa Tel. No. 801-3109 o kaya’y sa 562-0650. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)
Thursday, July 31, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment